3,560 total views
Hinimok ng pangulo ng Caritas Philippines ang mananampalataya na aktibong makilahok sa mga gawain ng simbahan ngayong Semana Santa.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo nakababahala ang pagkiling ng karamihan sa makamundong mga bagay na nagpapahina sa pundasyon ng pananampalataya.
Ipinagdarasal ng Obispo na ang mga banal na gawain sa paggunita ng Paschal Triduum ay magpapaigting sa ugnayan ng tao sa Panginoon.
“Let us now make our Holy Week meaningful and fruitful through our active participation in the Church’s Celebration. Let our participation in this most sacred season, make a difference in our life as Catholic Christians, create in us a deep desire to be in communion with God and in loving service to one another, and bring us inner joy at the celebration of Easter,” ayon sa pahayag ni Bishop Bagaforo.
Apela ng opisyal na gawing banal ang paggunita sa mga Mahal na Araw lalo na sa pagpapakasakit, pagkamatay at sa muling pagkabuhay ni Hesus.
Umaasa si Bishop Bagaforo na magdulot ng pagpanibago sa lipunan ang aktibong partisipasyon ng mamamayan.
“We take this as a personal journey with Jesus for us to be transfigured and as we take our brothers and sisters with us and lead them to HIm who transforms us,” dagdag ng opisyal.
Hinimok din ni Bishop Bagaforo ang mananampalataya na makipagkasundo sa kapwa at sa Diyos sa pamamagitan ng sakramento ng pagbabalik loob gayundin ang pagkalinga sa pangangailangan ng kapwa sa tulong Alay Kapwa program ng simbahan.
Ilan sa mga maaring gawin ngayong semana santa ang Visita Iglesia, Via Crucis, Pagbabasa ng Pasyon at iba pa.
Binigyang diin ni Bishop Bagaforo ang pundasyon sa Mahal na Araw ang Pagtitika, Pag-aayuno at Panalangin upang ganap na makiisa sa kaluwalhatiang dala ni Hesus na muling nabuhay.