369 total views
Kapanalig, mataas na naman ang bilang ng teenage pregnancy sa ating bayan. Sa taas nito, tinuturing na nga itong national social emergency. Ang ating bansa ay isa sa may pinaka-mataas na adolescent birth rates sa ASEAN. Ayon sa opisyal na datos, noong 2022, 5.4 percent o 5,531 na babaeng may edad 15 to 19 ay nabuntis sa ating bansa.
Ang daming implikasyon ng isyung ito sa ating lipunan. Unang-una, ang maagang pagbubuntis ng maraming kabataan sa bansa ay indikasyon na humihina ang tibay ng maraming pamilya sa ating bansa. Hindi na natin nagagabayan ang ating mga teenagers kaya’t marami sa kanila ang maagang nagdadalang-tao.
Bilang isang katolikong bansa, nakikita rin dito na kulang na ating formation sa hanay ng mga kabataan. Hindi na natin naiututuro at nababahagi ang kahalagahan ng pagmamahal – hindi lamang sa pagitan ng mag-sing-irog, kundi ng sarili. Hindi na rin natin naituturo ang tunay na pagmamahal, gaya ng pagmamahal ng Diyos sa atin, na nagnanais na makamtan nating lahat ang kaganapan ng pagkatao.
Ang teenage pregnancy kapanalig, ay mapanganib. Hindi lamang ito simpleng pagbubuntis. Ang katawan ng mga teenagers ay nagdedevelop o sumisisibol pa lamang at hindi handa sa body stress na dala ng maagang pagbubuntis. Karaniwang madaming komplikasyong dala ang teenage pregnancy sa katawan ng bata. Ang mga komplikasyong mula sa teenage pregnancy ay isa sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga kabataang may edad 15 hanggang 19.
Ang teenage pregnancy, kapanalig, ay laging hindi planado. Kadalasan, bunga ito ng mga maling desisyon ng mga kabataan. Kulang ang kanilang kaalaman, karanasan, at impormasyon ukol sa pakikipag-relasyon. Sa mura nilang edad, madali silang magkamali, lalo na kung walang gumagabay. May mga pagkakataon, ang teenage pregnancy ay mula sa incest at pang-aabuso. Kapanalig, kailangan nila tayo.
Kailangan nating maparamadam sa marami nating mga kabataan na mahalaga sila sa atin. Kailangan natin matiyak ang kanilang magandang kinabukasan. Kung ating hahahayaan na lamang ang mga kabataan, madali silang magkakamali at ma-abuso. At minsan ang pagkakamali at pang-aabuso ay magdudulot pa ng mas panganib na komplikasyon.
Ang teenage pregnancy ay suliranin ng lahat, lalo na ng pamilya. At kapag may hamon na ganito, ang paalala mula sa Centisimus Annus ay angkop: a concrete commitment to solidarity and charity is needed, beginning in the family.
Sumainyo ang Katotohanan.