15,925 total views
Muling umapela si San Fernando La Union Bishop Daniel Presto na magkaisa ang mga Pilipino upang mapalakas ang panawagan sa China na itigil na ang paniniil sa West Philippine Sea.
Ayon sa Obispo, nararapat ng matigil ang China sa pagtataboy, pagkuha ng mga suplay, ilegal na pangingisda, at paniniil sa mga Pilipinong nangingisda at nagpapatrolya sa teritoryong pagmamaya-ari ng Pilipinas.
Ayon kay Bishop Presto, sa tulong ng pagkakaisa at sama-samang pananalangin ay tiyak na maririnig ng Panginoon ang mga panalangin na mapalaya na ang Pilipinas mula sa paniniil ng China.
“Alam natin na nariyan ang challenge sa Philippine Sea, sa West Philippine Sea, alam natin na marami ang mga kababayan natin na mangingisda na hindi makapangisda dahil nga sa issue, sa usapin diyan sa West Philippine Sea, kaya nga ating maipagdasal na nawa ay makamit natin ang kasarinlan diyan sa dagat na kinabibilangan ng atin na kasama sa ating Inang Bayan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Magugunita na bunsod sa paniniil ng China, marami sa mga Pilipinong mangingisda ang hindi makapaglayag sa West Philippine Sea dahil sa pangamba ng harassment na maaring gawin ng China sa kanilang mga sasakyang pangdagat.
Patuloy din ang pakikiisa, pananalangin at pagdaraos ng mga pagkilos ni Running Priest Fr.Robert Reyes ng Diyosesis ng Cubao upang mapalalim ang kaalaman ng mga Pilipino at mapaigting ang kampanya upang ipananalangin na itigil na ng China ang paniniil sa teritoryong pagmamay-ari ng Pilipinas.