15,486 total views
Hiniling ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Office on Stewardship ang panalangin para sa mga haligi ng tahanan sa pagdiriwang ng Father’s Day sa June 16.
Ayon kay Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang chairman ng tanggapan, malaki ang tungkulin ng mga ama sa pagpapanatiling matatag at pagtataguyod ng bawat pamilya kaya’t nararapat na ipanalangin ang kanilang katatagan.
Inihalimbawa ng obispo si San Jose na tumayong ama kay Hesus nang magkatawang tao ito sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria.
“Malaki ang impluwensya ng mga tatay sa atin, malaki rin ang utang na loob natin sa kanila kaya mahalaga ang tatay sa buhay ng tao tulad ni San Jose na ginampanan at tumayong tatay ni Hesus dito sa lupa. Magpasalamat tayo sa Diyos sa ating mga tatay, ipagdasal natin sila at ipakita ang ating pagpapahalaga sa kanila,” mensahe ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Tinuran ni Bishop Pabillo na tulad ng Diyos Ama na tagapagbigay sa pangangailangan ng sangkatauhan ay nakikibahagi rin ang mga ama sa misyong tagatustos sa pangangailangan ng pamilya lalo na sa mga anak.
Batay sa kasaysayan nagsimula ang pagdiriwang ng Father’s Day noong June 19, 1910 sa Washington sa Amerika sa innisyatibo ni Sonora Smart Dodd para parangalan ang kanyang amang Civil War veteran na si William Jackson Smart.
1966 nang nang maglabas ng kauna-unahang presidential proclamation si US President Lyndon Johnson kung saan itinalaga ang ikatlong Linggo ng Hunyo bilang Father’s Day.
Lumipas ang ilang taon nang ipagdiwang ang Father’s Day sa iba’t ibang bahagi ng mundo kung saan kinikilala at pinararangalan ang mga haligi ng tahanan.