9,712 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga mananampalataya na makibahagi sa pagtatanim ng mga puno kasabay ng pagdiriwang ng simbahan sa Season of Creation.
Ayon kay Bishop Uy, layunin ng “One Believer, One Tree” campaign ng Diyosesis ng Tagbilaran na itaguyod ang pangangalaga sa kalikasan upang mapanumbalik ang sigla ng mga kagubatan at makatulong na mabawasan ang epekto ng umiiral na climate crisis.
Iginiit ng obispo na malaking bagay para sa inang kalikasan kung ang bawat Kristiyano ay tutugon sa panawagang pagtatanim ng mga puno.
“We encourage everyone to plant trees and join our “One Believer, One Tree” Campaign during the Season of Creation. Just think about how many trees could be planted if every Christian in the Diocese of Tagbilaran responds to our call,” ayon kay Bishop Uy.
Kasalukuyang namamahagi ng native tree seedlings ang diyosesis sa mga saklaw na parokya upang higit na maipalaganap ang pagtatanim ng mga puno sa bawat kinasasakupan.
Magugunita noong September 2021, kasabay rin ng pagdiriwang sa Season of Creation, nang ilunsad ni Bishop Uy ang programang “Parish Forest” sa Diyosesis ng Tagbilaran na layong lumikha at magkaroon ng kakahuyan sa bawat parokyang nasasakupan at magsilbing inspirasyon sa mga tao.
Umaasa naman si Bishop Uy na sa pamamagitan ng kampanya ay higit na maunawaan ng bawat Kristiyano ang kahalagahan ng mga kagubatan upang mapangalagaan ang mga tao mula sa iba’t ibang sakunang dulot ng krisis at nagbabagong klima ng daigdig.