5,972 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mamamayan na suriin ang kanilang sarili at ang ugnayan sa Panginoon, sa gitna ng lumalalang katiwalian sa lipunan.
Sa kanyang homiliya noong Setyembre 21 sa kapistahan ng Padre Pio Chapel sa Shangri-La Mall, Mandaluyong City, binigyang-diin ng kardinal ang aral mula sa ebanghelyo ni San Lukas (16:1–13) tungkol sa pagiging tapat na katiwala ng biyayang bigay ng Diyos.
Aniya, “We are therefore asked to make a choice: are we serving God or are we serving mammon?”
Iniugnay ng arsobispo ang pagninilay sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, kasabay ng isinagawang Trillion Peso March na layong mapanagot ang lahat ng sangkot sa malawakang katiwalian sa pamahalaan.
Nanawagan si Cardinal Advincula sa taumbayan na ipanalangin ang mga pinuno ng bayan upang maging tapat na katiwala ng yaman at kapangyarihang ipinagkatiwala ng taumbayan.
“We are asked to pray for our leaders that they may use the influence, machinery, and resources entrusted to them, not to kidnap the nation for ransom, but to truly serve and afford life for others,” giit ng arsobispo.
Binigyang-diin din ng kardinal na ang pinakamabisang paraan upang labanan ang korapsyon ay ang pagtataglay ng integridad, kahit sa maliliit na bagay sapagkat ang ganitong asal ay makapagdudulot ng unti-unting pagbabago sa buong sistema.
“We are called to bravely call out and stand against selfishness, greed, abuse, and violence, in all its forms, that trample upon the fullness of life of our brothers and sisters. To counter corruption that victimizes others, we are instructed to be trustworthy, even in very small matters. This is the long-term plan to reverse the systems of corruption that pillage our nation,” dagdag ni Cardinal Advincula.
Bago rito, nauna nang nagpahayag ng suporta si Cardinal Advincula sa panawagan para sa pananagutan ng mga tiwaling opisyal, kaugnay ng imbestigasyon sa maanomalyang ghost at substandard flood control projects na nagkakahalaga ng bilyong piso.




