2,244 total views
Nagsagawa ng prayer rally sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mamamayan ng Sibuyan Island, Romblon upang ipawalang-bisa ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC).
Ayon kay Bantay Kalikasan ng Sibuyan (BKS) president Alfredo Borda Pascual, patuloy ang paglabag ng APMC sa mga batas hinggil sa pagmimina, bukod pa rito ang panlilinlang sa tao at pamahalaan.
Inihayag ni Pascual na ilang liham na ang ipinadala ng BKS sa DENR upang ipanawagan ang pagpapahinto ng ilegal na pagmimina sa Sibuyan Island na hindi tinutugunan ng tanggapan.
“Nais din namin ipabatid na tutol ang taong bayan sa pagmimina sa Sibuyan dahil sa kasiraan na idudulot nito hindi lang sa kalikasan kundi sa kabuhayan ng mga tao,” pahayag ni Pascual.
Sinabi naman ni BKS member Pristine Garcia na mariin nilang tinututulan ang pagmimina sa isla dahil maliban sa pinsala sa likas na yaman ay banta rin ito sa kaligtasan ng mamamayan lalo na sa mga katutubo.
“We say No to Mining in Sibuyan Island as mining will destroy its natural beauty and its biodiversity considering that it is one of the last ecological frontiers of our country. The health and livelihoods of our people, including the indigenous groups, will be put at risk. We cannot allow this to happen,” ayon kay Garcia.
Kabilang ang B-K-S sa mga grupong nangunguna upang itaguyod ang karapatan ng mga taga-Sibuyan laban sa ilegal na pagmimina, at nagsasagawa ng mga programa bawat buwan upang bigyang-pansin ng pamahalaan ang nangyayaring pinsala sa Sibuyan Island.
Nananatili naman ang paninindigan ng Diocese of Romblon upang tutulan ang mapaminsalang pagmimina sa Sibuyan Island, at nangakong patuloy na isasabuhay at isusulong ang pagiging mabubuting katiwala ng sangnilkha ng Diyos.