2,468 total views
Itinalaga ng Diocese of Baguio si Rev. Fr. Roland Buyagan bilang Diocesan administrator.
Tungkulin nitong pangasiwaan ang diyosesis habang nanatiling “sede vacante” hanggang magtalaga ang Santo Papa Francisco ng kahalili ni Bishop Victor Bendico na kasalukuyang arsobispo ng Capiz.
Ang Diocesan Administrator ay inihalal ng College of Consultors ng diyosesis o itinatalaga ng arsobispo ng metropolitan suffragan sa panahong nababakante ang diyosesis, arkidiyosesis, prelatura at bikaryato.
Si Fr. Buyagan ang kasalukuyang Rector ng San Pablo Seminary at Parish Priest ng Divine Mercy Parish sa Atab, Baguio City.
Kabilang sa mga gawain ng Diocesan Administrator ang pangunguna sa mga Banal na Misa, paggawad ng sakramento at iba pang gawain na karaniwang pinangungunahan ng obispo; pamamahala sa administrasyon ng diyosesis, mga kawani ng chancery office, mga usaping pinansyal kabilang na ang ilang administrative decisions; magiging gabay sa mga desisyong gagawin ng diyosesis sa ilang usapin, at; gabayan ang nasasakupang mananampalataya lalo na sa pananalangin sa proseso ng pagkakaroon ng bagong pinunong pastol.
Matatandaang noong Marso ay itinagala ni Pope Francis ang dating obispo ng Baguio bilang ikaapat na arsobispo ng Capiz kung saan noong May 3 ay pormal na iniluklok si Archbishop Bendico sa Cathedra ng arkidiyosesis.