9,769 total views
Nagbabala ang Diyosesis ng Malolos laban sa mga nagpapanggap na lingkod ng Simbahan na ginagamit ang pangalan ng mga pari ng diyosesis at ng Simbahang Katolika upang makapanglinlang ng mga mananampalataya.
Ibinahagi ng diyosesis ang larawan ng Facebook at Messenger account ng nagpapanggap na si Msgr. Andres Valera – kura paroko ng Santo Niño Parish, Meycuayan City na humihingi ng donasyon para sa sinasabing pagpapagawa ng panibagong tabernakulo para sa altar ng parokya.
Paglilinaw ng Diyosesis ng Malolos, hindi pagmamay-ari ni Msgr. Valera ang nasabing account sapagkat walang Facebook account ang nasabing pari kaya naman ang anumang mensahe mula rito ay walang katotohanan at hindi dapat pagkatiwalaan.
Paalala ng diyosesis na sakali mang makatanggap ng mga kaduda-dudang solicitation letter lalo na sa pamamagitan ng online ay marapat na agad makipag-ugnayan sa tanggapan ng parokya o ng diyosesis upang matiyak ang pagiging lehitimo ng natanggap na sulat para sa donasyon.
Kaugnay nito patuloy na pinapaalalahanan ng Simbahang Katolika ang mananampalataya na mag-ingat laban sa mga mapagsamantalang indibidwal o grupo na ginagamit ang pangalan ng Simbahan, kongregasyon, cardinal, obispo, pari, madre at iba pang lingkod ng Simbahan upang makapanglinlang at makapangalap ng pinansyal na donasyon.