2,043 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na isulong ang pag-iibayo, pagkakaisa at higit na pananampalataya kay Hesus bilang nagkakaisang simbahan.
Ginawa ito ni Cardinal Advincula sa idinaos na Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly o MAGPAS Traslacion Road Map sa Paco Catholic School sa Maynila.
Ayon kay Cardinal Advincula, alinsunod sa isinalik na tagalog ng Traslacion na salitang pag-ibayo , nawa ang bawat manananampalataya ay kumilos paibayo tungo sa kabutihan at higit na pagpapaunlad o pagsasaayos sa sarili upang maging mabuting mamamayan at taga-paglingkod ng simbahan.
“Paglingkuran natin at himukin na sumama ang mga taong gustong mag-isa, ang mga taong napag-iiwanan sa mabilis na takbo ng mundo, wala dapat sa atin ang nag-iisa,” ayon sa pagninilay ng Arsobispo.
Inaanyayahan naman ni Father Jason Laguerta – Direktor ng Office for the Promotion of the New Evangelization (OPNE) ng Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM) ang bawat mananampalataya na makiisa sa mga gawain ng Synod on Synodality.
Ayon kay Fr.Laguerta ito ay sa pagpapatuloy ng MAGPAS Traslacion Road Map na programa ng Arkidiyosesis upang mapaigting ang pagkakaisa ng simbahan at mananampalataya tungo sa sama-samang paglalakbay ng sinodo.
Mensahe pa ng Pari ang pagpapatuloy ng RCAM sa pagtugon sa mga magiging pangangailangan o pagsubok na dapat tugunan sa hinaharap.
“Ang simbahan ay mas lalong magiging bukas sa pagtugon sa mga hamon ng panahon, pero mabibigyan mo lang ng tugon yung hamon ng panahon kung marunong kang makinig sa mga tao, sa isat-isa at lalo na pakikinig sa Espiritu Santo kaya ito yung tinutungo ngayon ng Archdiocese of Manila na tayo ay nag-aaral paano makinig, the art of listening to the Holy Spirit, kaya ang tawag natin sa proseso na ito ay ‘Conversation in the Spirit’ gusto natin matutunan paano makinig sa galaw at bulong ng Espiritu Santo,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Laguerta.
Sa ginanap na MAGPAS seminar ay nakipag-diyalogo si Father Laguerta sa mga mananampalataya mula sa ibat-ibang parokyang nasasakupan ng RCAM upang malaman ang mga paksa, pagkukulang o suliranin na dapat tugunan ng simbahan.
Itinakda naman ng OPNE sa September 02 ang susunod na pagtitipon ng mga nais dumalo sa MAGPAS kung saan isasagawa pa rin ang online registration sa mga nais dumalo.