14,666 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na maging matapang sa paghahayag ng katotohanan sa lipunan.
Ito ang pagninilay ng cardinal sa paglunsad ng Rosas ng Sampiro Festival sa Makati City nitong June 23, 2024.
Ayon sa arsobispo, tulad ng Mahal na Ina na buong tapang na nanatili sa paanan ng krus habang nakabayubay si Hesus bilang matapat na pagtanggap sa kalooban ng Diyos ay maging matatag din ang mananampalataya sa pagharap sa mga hamon ng buhay.
“Si Maria ay isang taong matapang, matibay at matatag. Tumindig siya ng tapat sa paanan ng krus. Kakaiba ang pinanggalingan ng tapang ni Maria. Ang tunay na taong matapang ay iisa lang ang kinatatakutan, ang mapahiwalay sa Diyos,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Kasabay ng pagdeklara ng Makati City sa Virgen de la Rosa bilang patrona ng lungsod ay umaasa si Cardinal Advincula na isabuhay ng mamamayan ang mga halimbawa ng Mahal na Birheng Maria na buong kababaang loob na sumunod sa kalooban ng Diyos at patuloy na inihahayag ang katotohanan sa pamayanan lalo na sa mga komunidad na kinabibilangan.
Sa bisa ng City Ordinance No. 2023-215 idineklara ng lungsod ang canonically crowned Marian image bilang patrona ng lunsod at cultural heritage treasure bilang pagkilala ng Makati City sa malaking ambag ng Mahal na Birhen sa kultura, kasaysayan at espiritwalidad ng mamamayan sa mahigit 300-taong pagabay sa lunsod.
Nakapaloob sa ordinansa ang pagbuo ng Rosas Sampiro Festival kung saan magbuklod ang mamamayan ng Makati City para parangalan ang Virgen de la Rosa sa pamamagitan ng dance competition mula sa mga eskwelahan at barangay ng lunsod.
Tiniyak ng Makati LGU sa pangunguna ni Mayor Abby Binay ang pagpapalawak ng debosyon sa Mahal na Ina na kumakalinga at gumagabay sa sambayanan tungo sa landas ni Hesus.
Naniniwala ang alkalde na sa pamamagitan ng gawain ay higit na makilala ang Virgen de la Rosa hindi lamang sa lunsod kundi sa buong bansa.
Matatandaang March 16, 2019 nang gawaran ng canonical coronation ang imahe sa pangunguna ni noo’y Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle at dating Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia.
Nakadambana ang patrona ng Makati City sa Sts. Peter and Paul Parish na kasalukuyang pinangangasiwaan ni Fr. Kristoffer Habal.