Inaanyayahan ng Conference of Major Superiors in the Philippines ang mga mananampalataya na makiisa sa Confessio Peccati and Penitential Walk 2026, isang makabuluhang gawain sa panahon ng Kwaresma na nakatuon sa panalangin, pagsisisi, at pag-asa hindi lamang para sa sarili kundi maging para sa bayan.
Layunin ng gawain na hikayatin ang mga mananampalataya na makiisa sa paglalakbay ng pananampalataya sa gitna ng panahon ng Kwaresma sa pamamagitan ng pagninilay sa Daan ng Krus at sama-samang panalangin para sa pagbabagong-loob.
“The Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) invites everyone to join this year’s Confessio Peccati and Penitential Walk, a meaningful Lenten journey of prayer, repentance, and hope. Guided by the theme: “Daan ng Krus, Lakbay ng Pag-asa at Pananampalataya,” participants will walk together in reflection as we contemplate Christ’s passion and renew our commitment to faith and conversion.” Bahagi ng paanyaya ng CMSP.
Isasagawa ang penitential walk sa Marso 13, 2026, alas-3 ng hapon, na may temang “Daan ng Krus, Lakbay ng Pag-asa at Pananampalataya,” bilang paanyaya sa mga kalahok na sama-samang magnilay sa paghihirap ni Kristo at muling pagtibayin ang kanilang pangako sa pananampalataya at pagbabalik-loob sa Diyos.
Magsisimula ang gawain sa San Jose, Ang Tagapagtanggol Parish, na sakop ng Diocese of Novaliches, at magtatapos sa Cathedral-Shrine and Parish of the Good Shepherd sa Fairview Park, Quezon City.
Sa paanyaya ng CMSP, hinihikayat ang lahat na makibahagi sa gawaing ito bilang tanda ng pananalig, pagsisisi, at pag-asa habang sama-samang naglalakbay sa landas ng krus ni Kristo.






