387 total views
Tiniyak ng Commission on Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang patuloy na paninindigan ng simbahan sa kasagraduhan ng buhay.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, hindi mababago ang paninindigan ng simbahan laban sa DEATH bills na isinusulong sa kongreso.
“Tuloy pa rin ang paninindigan ng simbahan para sa kahalagahan ng buhay ng tao; tutulan pa rin natin ang mga panukalang batas na makasisira sa buhay,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Kabilang sa DEATH Bills na tinututulan ng simbahan ang Divorce, Euthanasia, Abortion, Total Reproductive Health, Homosexuality (same sex marriage) at ang pagbabalik ng death penalty.
Dahil dito, inaanyayahan ng obispo ang mananampalataya na makiisa sa isasagawang ikalimang Walk for Life ngayong taon na gagawin online dahil na rin sa mga limitasyong dulot ng community quarantine.
Ayon kay Bishop Pabillo, natatangi ang pagdiriwang ngayong taon sapagkat itatampok ang ‘Dance for Life’ katuwang ang National Commission on Culture and the Arts National Committee on Dance.
Itatanghal sa pagsasayaw ang mayamang kultura at katatagan ng mga Filipino sa paglipas ng panahon na sinubok ng iba’t ibang hamon.
Paksa sa Walk for Life ngayong taon ang ‘Celebrate as One in 2021’ bilang pagkilala sa biyaya ng pananampalataya na tinanggap ng mga Filipino limandaang taon ang nakalipas.
“Inaanyayahan ko kayo na makiisa sa ating Walk for Life ngayong taon sa online,” ani Bishop Pabillo.
Matutunghayan ang Walk for Life Celebration of Life through Dance sa facebook page ng Sangguniang Layko ng Pilipinas, CBCP, Santissimo Rosario UST, NCCA Official at Dance Exchange Philippines sa Pebrero 20 mulas alas dos ng hapon.
Isang misa naman ang pangungunahan ni Bishop Pabillo alas kuwatro ng hapon na gaganapin sa Santisimo Rosario Parish sa UST na matutunghayan din sa online