36,245 total views
Mariing kinundena ng Conference of Major Superiors in the Philippines – Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission (CMSP-JPIC), kasama ang kanilang mga mission partners, ang maniobrang pampulitika sa Senado na naglalayong hadlangan ang patuloy na imbestigasyon sa malawakang katiwalian sa mga proyekto ng flood control.
Ayon sa grupo, ang hakbang ay isang malinaw na pagtataksil sa bayan na naghahangad ng katarungan at katotohanan. Anila, ang ganitong mga gawain ay lalo lamang nagkukubli ng katotohanan at nagpapalalim ng hinala sa integridad ng pamahalaan.
“Lahat ng may pananagutan ay dapat managot — sa batas, sa bayan, at sa Diyos. Hindi ito panahon ng pulitika kundi ng budhi,” pahayag ng CMSP-JPIC at ng kanilang mga mission partners.
Mariin ding nanawagan ang grupo na hayaang tuparin ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang tungkulin nito nang malaya, buo, at walang kinatatakutan sa pamamagitan ng isang malinaw at tapat na proseso na nagtataguyod ng katotohanan, tiwala ng publiko, at katarungan.
Ang pahayag ng grupo ay inilabas kasabay ng National Day of Prayer and Public Repentance noong October 7, sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo.
Kasabay nito, pinuna ng CMSP-JPIC ang panukalang “snap election”, at iginiit na ang tunay na tugon sa katiwalian ay hindi agarang halalan, kundi isang moral na pagharap sa katotohanan.
“Ang tugon sa katiwalian ay hindi agarang halalan, kundi isang moral na pagharap sa katotohanan,” diin ng grupo.
Dagdag pa ng grupo na bago humiling ng bagong kapangyarihan, ang mga nagkasala sa bayan ay dapat managot nang lubos upang muling manaig ang liwanag ng katotohanan sa gitna ng kadiliman at dumaloy ang katarungan sa lipunan.
Umaasa ang grupo na ang sama-samang pananalangin at pagbabalik-loob ng mga Pilipino ay magbunga ng paghilom at pagbabagong-buhay sa bansa upang magtagumpay ang katotohanan, manaig ang katarungan, at maibalik ang dangal at integridad sa buhay-pamayanan.




