1,264 total views
Pinabulaanan ng Mababang Kapulungan ang paratang na ito’y kumilos nang may masamang layunin sa paghawak ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Tinugon din nin House Spokesperson Atty. Princess Abante at House Prosecution Panel Spokesperson Atty. Antonio
Bucoy ang pahayag ni Atty. Ernesto Francisco Jr., na nagsabing kumilos ang Kamara nang “may bad faith” dahil umabot sa halos dalawang buwang bago pinagsmaa ang mga naunang reklamo.
“Patuloy po ang position ng House of Representatives, lahat po ng naging actions ng House patungkol sa paghahain ng Articles of Impeachment laban kay VP Sara Duterte ay ayon sa mga alituntunin ng Saligang Batas, sa internal rules ng House at sa prevailing jurisprudence. Walang bad faith ‘pag sinunod mo ‘yung alituntunin,” ayon kay Abante.
Paglilinaw pa ni Abante na kinilala mismo ng kamakailang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Vice President Duterte na sinunod ng Kamara ang itinakdang panahon sa ilalim ng Saligang Batas.
Ayon pa kay Abante, ang tanging pinagkaiba ng desisyon ng Korte Suprema sa Duterte case ay ang “maling pagtingin” nito sa mga katotohanan batay sa actual record Kamara.
“Kaya nga dapat talaga makorek ito, maipaliwanag ito, at hopefully doon sa motion for reconsideration na na-file ng House of Representatives ay mabibigyan ng pagkakataon na makita ng Supreme Court na tama lahat ng naging actions ng House under the Constitution,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag naman ni Bucoy ang legal na batayan upang pabulaanan ang alegasyon ng bad faith, at iginiit na ang buong proseso ay nakaayon sa Saligang Batas at umiiral na jurisprudence.
“Walang paglabag sapagkat ang Kamara has 10 session days to include the complaint or complaints in the Order of Business,” ani Bucoy.
“Ang impeachment process, hindi ‘yan first to file. Dapat meron diskresyon ang Kamara kung alin ang impeachment complaint ang may sustansya. Otherwise, ‘yung first to file na susundin eh unahan lang sa draw. Kahit na napaka-whimsical, kahit na siyam ‘yung complaint if only to defeat a legitimate impeachment complaint,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Bucoy ang kasong Francisco v. House of Representatives noong 2003, kung saan sinabi ng Korte Suprema na isang impeachment lang ang puwedeng isampa laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon. Nilinaw din dito na nagsisimula lang ang proseso kapag naipasa ang verified complaint sa House Committee on Justice, at hindi agad sa oras ng paghahain nito.
Layunin ng nasabing ruling na pigilan ang pang-aabuso sa pulitika sa pamamagitan ng sunod-sunod o harassing complaints.
Ipinunto ni Bucoy na ang unang tatlong reklamo laban kay Duterte ay naisama sa Order of Business sa loob ng itinakdang 10 session days ngunit hindi kailanman naipasa sa Committee on Justice.
Bago pa man umusad ang anumang proseso, naisampa ang ikaapat na reklamo na nilagdaan ng 215 miyembro—katumbas ng mahigit one-third ng buong Kamara—na, alinsunod sa Konstitusyon, ay awtomatikong itinuturing na Articles of Impeachment.
Sinabi ni Bucoy na ang ikaapat na reklamong ito ang nagpatakbo sa impeachment process at sa one-year bar rule, at dahil dito, hindi kailanman itinuturing na “initiated” ang unang tatlong reklamo, kaya walang naganap na pang-aabuso sa proseso.