329 total views
Hinihikayat ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang bawat isa na paigtingin pa ang wastong pangangalaga sa ating inang kalikasan.
Ayon kay Bishop Pabillo, na siya ring Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity na ang buong mundo ay nahaharap ngayon sa climate emergency at nangangailangan ng agarang pagkilos upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng temperatura ng mundo dulot ng pagbabago ng klima.
“Nine years na lang yung deadline natin upang maisalba natin ang mundo sa tuluyang pag-init nito. Kaya nga sinabi sa atin ni Pope Francis na ito’y climate emergency na kasi wala na tayong panahon kaya kailangan talaga nating magdesisyon na,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa pag-aaral, halos siyam na taon na lamang ay maaabot na ng mundo ang climate change deadline.
Layunin nitong mapanatili ng lahat ng bansa sa 1.5 degrees celsius ang temperatura ng mundo na mangyayari lamang kapag nabawasan ang carbon dioxide emissions sa mundo lalo’t higit ng malalaking bansa.
Pinangangambahang kapag hindi pa rin napababa ang temperatura ng mundo sa taong 2030, maaaring maranasan ang extreme weather phenomenon dulot ng climate change na maaaring hindi na malulunasan pa.
Samantala, nananawagan din si Bishop Pabillo sa mga lokal na bangko na nagbibigay ng suporta upang makapagtayo ng coal-fired power plants sa bansa.
Sinabi ng Obispo na dapat na ring ihinto ng mga bangko ang paglalaan at pag-iinvest ng pera sa mga coal-fired powerplants na sa halip na makatulong sa pagkakaroon ng maayos na mapagkukunan ng enerhiya ay nagdudulot naman ng masamang epekto sa kalikasan dahil sa inilalabas nitong maruming usok.
“Panawagan din po natin sa mga bangko sa bansa na sana ay ihinto na ang pag-iinvest ng malaking pera sa mga dirty coal [at] sa mining. Dapat talagang tanggalin na ‘yan dahil nasisira lang n’yan ang ating inang kalikasan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Matagal nang isinusulong ng Withdraw from Coal ang paglaban sa pagtatayo ng mga planta ng karbon sa buong bansa kung saan napag-alamang aabot sa 15 bangko ang nagbibigay ng pondo para suportahan ang pagtatayo nito.
Ayon sa pag-aaral ng Greenpeace at Centre for Research on Energy and Clean Air noong nakaraang taon, mahigit 27,000-katao ang agad na nasasawi taun-taon dahil sa paglanghap ng maruming hangin na nagmumula sa mga coal-fired power plant.