12,968 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na naangkop lamang na patuloy na alalahanin at bigyang pagkilala ang pagsasakripisyo at pag-aalay ng buhay ng mga bayani ng bansa.
Ito ang ibinahagi ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations between Bishops and Consecrated Persons kaugnay sa taunang paggunita ng Araw ng mga bayani.
Ayon sa Obispo, kasabay ng pag-alala sa mga bayaning nag-alay ng buhay para sa kalayaan ng bansa ay hindi din dapat na kalimutan ng bawat isa ang pag-aalay ng sarili ni Hesus para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Paliwanag ni Bishop Ongtioco, hindi dapat na kalimutan si Hesus sa pagbibigay parangal sa mga pambansang bayani ng bansa sapagkat ang pag-aalay ng sariling buhay ni Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan ang isa sa nakapagbigay lakas sa mga bayani ng bansa upang isakripisyo rin ang kanilang sarili para sa kalayaan ng bayan.

Tema ng paggunita sa Araw ng mga Bayani ngayong taon ang “Kabayanihan ng Pilipino sa Panahon ng Pagbabago” na naglalayong kilalanin ang iba’t ibang kabayanihan ng mga Pilipino maging sa kasalukuyang panahon.
Ang taunang paggunita sa Araw ng mga Bayani ay alinsunod sa bisa ng Batas ng Republika Blg. 9492 (24 Hulyo 2007), na nagtatakda sa huling Lunes ng Agosto ng paggunita sa mga pambansang bayani na nagsakripisyo ay nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas.
Samantala sa bahagi ng pananampalatayang Katoliko, itinuturing na mga bayani ang mga karaniwang taong sinaksihan ang kanilang pananampalataya sa hindi pangkaraniwang paraan tulad na lamang ng mga martir at mga santo na mga huwaran kung paano mabuhay bilang mga taga-pagpalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon sa isang magulo at kumplikadong mundo.