169 total views
Ang mga mahihirap ang nagsisilbing presensya ng Diyos sa sangkatauhan.
Ito ang inihayag ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia sa paglulunsad ng kauna-unahang taon ng World Day of the Poor sa Pilipinas noong ika-19 ng Nobyembre.
Sinabi ni Archbishop Caccia na minamahal ni Hesus ang mga mahihirap kung saan ang anak ng Diyos ay nagkatawang tao at namuhay bilang isang dukha.
Ipinaalala ng Papal Nuncio na sa pamamagitan ng pagmamahal sa kapwa lalu na sa mga dukha ay mai-aangat ang kanilang dignidad.
“The message of the Church, Jesus love the poor, Jesus lived as a poor and the poor are the presence of the Lord among us and we are here to say that we have to love each other and [by] loving each other we can help everyone to found their own dignity and their place in the Church and in the Society,” bahagi ng pahayag ni Papal Nuncio sa Radyo Veritas.
Bukod dito, hinimok din ng Archbishop Caccia ang mga mahihirap at dumaraan sa matinding pagsubok sa buhay na huwag mawalan ng pag-asa.
Aniya, mayroong Diyos na malapit at laging umaalalay sa bawat isa at kinakailangan lamang na linisin ng bawat tao ang kanyang puso upang makadaloy dito ang pag-ibig ng Panginoon.
“The Lord loves everyone and the Lord understands the suffering of each person, the Lord is close to everyone, and we should be transparent so that the love of the Lord could pass also through all of us. Don’t get despaired there is always hope in life and there is always the love of God,” pahayag ng Arsobispo.
Samantala, umaasa naman si Archbishop Caccia na ang nakilala nitong mapagmahal at mapagkalingang katangian ng mga Filipino ang tutulong sa kanya bilang bagong kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas.
Ayon kay Archbishop Caccia, malapit sa kanyang puso at tunay na minamahal niya ang mga Filipino, kaya naman hinikayat nito ang bawat isa sa sama-samang paglalakbay patungo sa Panginoon.
“I have just arrived only some days ago so I am learning but I think that we received very strong message of faith and love and charity from the Filipino People that I’ve known since Filipinos are everywhere in the world and which I love them so much, I hope we can journey together in the ways of the Lord.” Pahayag ni Abp. Caccia.
Sa tala ng pamahalaan umaabot sa 26 na milyon ang mga mahihirap sa Pilipinas at mula sa naturang bilang ay natukoy na aabot sa 12 milyon ang nasasadlak sa labis na kahirapan.
Umaasa ang Simbahan na ang World Day of the Poor na ipagdiriwang tuwing ika-33 araw sa karaniwang panahon ang magmumulat sa mga tao patungkol sa tunay na kalagayan ng mga naghihirap sa mundo.