248 total views
Tulungang makapagbagong buhay ang mga nagkasala sa halip na parusahan at kitilin ang buhay.
Ito ang apela ni Bro. Gerry Bernabe, Vice President ng Philippines Action for Youth Offenders at Convenor ng Coalition Against Death Penalty sa kalagayan at pagtrato sa mga bilanggo sa buong bansa.
Pagbabahagi ni Bernabe, bilang isang Katolikong bansa ay hindi nararapat na mamayani sa mga Filipino ang mapagparusang kultura na mapagkakait sa pagbibigay ng pangawalang pagkakataon sa mga naligaw ng landas o sa mga nagkasala sa lipunan.
“Ngayon nakakalungkot na ang nangyayari ngayon sa ating lipunan ay parang namamayani yung ating damdamin ng karamihan sa mapagparusang paraan ng treatment sa kanila. Yun ang gusto naming baguhin upang i-entice sila o hikayatin sila na maglingkod naman at bigyan ng pagkakataon yung mga tao na naligaw ng landas…” pahayag ni Bernabe sa Radio Veritas
Unang binigyang diin ni Outgoing CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care Chairman Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Emeritus Pedro Arigo na napapanahon na upang magkaroon ng pagbabago sa Punitive Mentality na namamayani sa bansa kung saan lubos ang pagkundina, pagpaparusa at pagpapanagot sa mga nagkasala.
Paliwanag ng Obispo, dapat na baguhin ang naturang mentalidad at bigyan ng pag-asa o pangalawang pagkakataon ang mga bilanggo na makapagsisi, makapagbalik-loob at makapagbagong buhay.
Batay sa pinakahuling tala ng Bureau of Jail Management and Penology tinatayang umaabot na sa higit 131 – libo ang bilang ng mga bilango sa buong bansa kung saan sa bilang na ito higit sa 31-libo ang nagmula sa National Capital Region.