9,717 total views
Pinaalalahanan ng environmental watchdog group EcoWaste Coalition ang mga kandidato sa pagka-senador at partylist groups na huwag maglagay ng campaign materials sa mga poste ng ilaw at kuryente, puno, at iba pang ipinagbabawal na lugar.
Ayon sa grupo, kabi-kabila pa rin ang ilegal na paglalagay ng mga campaign tarpaulin, lalo na sa mga lungsod ng Caloocan, Maynila, at Pasay, sa kabila ng umiiral na Operation Baklas ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 11111, ipinagbabawal ang paglalagay ng campaign materials sa labas ng itinalagang common poster areas, sa pribadong lugar nang walang pahintulot ng may-ari, at sa pampublikong lugar tulad ng kalsada, tulay, pampublikong gusali, paaralan, at puno.
Ayon kay EcoWaste Coalition campaigner Jove Benosa, patuloy ang ‘battle of tarpaulins’ kasabay ng campaign period, kung saan karamiha’y ikinabit sa mga ipinagbabawal na lugar.
“Despite the ongoing Operation Baklas, major and secondary streets in some cities are teeming with propaganda materials, particularly the ubiquitous plastic tarpaulins that are nailed, tacked or tied on lamp posts, utility poles and trees. While not as many as those posted on electric and lamp posts, we also found campaign tarpaulins hanging on electric wires, bridges, pedestrian overpasses, public covered courts and on trees,” ayon kay Benosa.
Dagdag pa ng grupo, mismong mga kandidato na ang dapat kumilos upang matiyak na hindi nasasangkot sa ilegal na pangangampanya.
Hinikayat din ng EcoWaste ang mga kandidato na suportahan ang “Kalikasan: Pangalagaan sa Halalan” campaign, na naglalayong itaguyod ang malinis, ligtas, at makakalikasang eleksyon.
“As a sign of their respect and adherence to the election laws, we appeal to concerned candidates to instruct their campaign workers and supporters to follow the rules and direct them to remove tarpaulins in forbidden sites,” saad ni Benosa.
Noong 2022 National Elections, umabot sa 20 toneladang plastic campaign materials ang nakolekta araw-araw ng Metro Manila Development Authority.
Patuloy namang nananawagan ang Simbahang Katolika na suportahan ang pagbabawal sa single-use plastic at isulong ang responsableng pagtatapon ng basura.