Kinilala ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang mahalagang gampanin ng mga katutubo sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ayon kay Bishop Mesiona, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mission na ang pagdiriwang ng limang sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa ay hindi lamang pag-alala sa ipinunla ng mga dayuhang Kastila sa kasaysayan at pananampalataya ng Pilipinas.
Paliwanag ng Obispo, ito’y kundi pag-alala rin sa mahalagang misyon ng mga katutubong Pilipino na unang tumanggap ng Kristiyanismo, 500-taon na ang nakakalipas.
“Hindi lamang ito pag-alala sa mga dayuhang Kastila na nagpunla ng ating pananampalataya kung hindi pag-alala din ng mga kapatid nating mga katutubo na unang tumanggap ng Kristiyanismo,” pagninilay ni Bishop Mesiona kasabay ng paggunita sa Indigenous Peoples Sunday.
Itinakda ng CBCP ang ikalawang linggo ng Oktubre na Linggo ng mga Katutubong Pilipino bilang pagkilala sa mahalagang gampanin ng mga katutubo sa bansa partikular na sa pangangalaga at pagpapanatili sa inang kalikasan.
Ito rin ang hudyat ng pagtatapos ng Season of Creation sa bansa na natatanging panahon upang alalahanin ang kahalagahan ng kalikasan at nag-iisang tahanang handog ng Diyos sa sangkatauhan.






