12,473 total views
Nanawagan ang Archdiocese of Tuguegarao sa lahat ng parokyang apektado ng Super Typhoon Nando na agad na magpatupad ng espirituwal at praktikal na paghahanda bilang tugon sa banta ng matinding ulan, malakas na hangin, at malawakang pinsala na maaaring idulot ng bagyo.
Sa inilabas na abiso ng Tuguegarao Archdiocesan Social Action Center, hinimok ang mga parokya na mag-alay ng natatanging panalangin sa lahat ng misa, at anyayahan ang mga pamilya na magdasal ng Santo Rosaryo at hilingin ang patnubay ng Mahal na Birheng Maria.
“We urge immediate and prayerful action as forecasts indicate that the storm may bring severe winds, heavy rainfall, and widespread disruption. As stewards of life and community, let us respond with wisdom, compassion, and readiness,” ayon sa SAC Tuguegarao.
Kasabay nito, inatasan ang mga parokya na tiyaking ligtas ang mga gusali, kapilya, at mission stations para sa posibleng evacuation area, gayundin ang mga kagamitang pangliturhiya at dokumento.
Iminungkahi rin ng SAC Tuguegarao ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay para sa paglikas at pagtulong sa evacuees, kasabay nito ang pagbabantay sa mga mahihinang sektor tulad ng matatanda, maysakit, at mga nakatira sa mapanganib na lugar.
Hinihikayat din ang mga parokya na maghanda ng relief goods at pagkilos ng mga volunteer para sa post-typhoon assistance.
Bahagi rin ng paghahanda ang pansamantalang pagsuspinde o pag-reschedule ng mga panlabas na gawaing may kaugnayan sa liturhiya, at pagtitiyak sa kaligtasan ng mga pari, lay ministers, at parish workers.
“Let us remember: our faith calls us to protect life, care for one another, and act with courage. May our parishes be places of refuge, hope, and healing in this time of trial,” ayon sa SAC Tuguegarao.
Ipinaubaya naman ng arkidiyosesis ang buong pamayanan sa habag ng Diyos at sa pamamatnubay ng Mahal na Birhen ng Piat.
Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na lumalakas ang Super Typhoon Nando na huling namataan ang sentro 180 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan.
Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour, taglay ang lakas ng hangin sa 215 km/h at pagbugsong aabot sa 265 km/h.
Nakataas ngayon ang Wind Signal no. 5 sa hilaga at gitnang bahagi ng Babuyan Island; Signal No. 4 sa timog-silangang bahagi ng Batanes, nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, hilagang-silangan at hilagang kanluran ng mainland Cagayan, at hilagang bahagi ng Ilocos Norte.




