758 total reads
Binigyang-diin ni Rev. Fr. Gregory Ramon Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma na ang mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa ay hindi lamang tinatawag na alagaan ang kanilang kapwa Filipino kundi maging missionaries sa mga komunidad na kanilang ginagalawan.
Sa kanyang ulat sa programang Veritas Pilipinas bilang Vatican Correspondent ng Radio Veritas, ibinahagi ni Fr. Gaston ang mga naganap sa Roma kabilang ang patuloy na mga aktibidad ni Pope Leo XIV at ang presensya ng mga Filipino sa mga parokya sa Italy at iba pang bahagi ng Europa.
Ayon kay Fr. Gaston, bagama’t kabilang ang Pilipinas sa mga bansang dating tinaguriang mission territories, matagal nang hindi ganoon ang katayuan ng bansa, kung saan ang mga Pilipino mismo ay nakikibahagi na ngayon sa misyon ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Philippines hindi na po tayo mission, matagal na tayong Katoliko, nakapag-500 years na tayo nung 2021, kaya 505 years na ang evangelization sa Philippines, kaya hindi na tayo mission territory kundi missionaries.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Gaston sa Radyo Veritas.
Bilang coordinator ng mga chaplain ng mga Filipino sa Italy, sinabi ni Fr. Gaston na mahalagang paalalahanan ang mga Pilipino na ang kanilang pagiging missionary ay hindi lamang nangangahulugan ng paglilingkod sa kapwa Filipino.
“Hindi lamang alagaan ang mga Filipino, kundi maging aware, na alam sana na binubuhay sana ng mga Filipino ‘yung ating pagka-missionary. Kasi missionary din tayo sa labas ng bansa.” Dagdag pa ni Fr. Gaston.
Ayon sa Pari, isang konkretong paraan nito ay ang pakikibahagi sa mga lokal na komunidad, kabilang ang pag-oorganisa ng English Masses na bukas hindi lamang para sa mga Pilipino kundi pati sa iba’t ibang lahi.
Pagbabahagi ni Fr. Gaston, may ilang parokya nang may English Masses na kino-coordinate ng mga Filipino, kabilang sa Santa Anna Parish sa Vatican kung saan may English Mass tuwing Linggo na pinangungunahan at pinangangasiwaan ng mga Filipino.
“At Santa Anna Parish tuwing Sunday ng 3:30, meron silang misa na English, English Mass na organized ng mga Filipino, kaso hindi ‘yan Filipino community Mass, kundi misa ng parokya, misa ng Vatican Parish na Santa Anna.” Ayon pa kay Fr. Gaston.
Ipinaliwanag din ng Pari na ang ganitong uri ng paglilingkod ay nagiging pagkakataon upang makasama ng mga Filipino ang mga African, Asian, American, Italian at iba pang dumadalo sa English Mass.
“Kaya ipagdasal natin, parang mission din ng ating mga Filipino, kasi imagine, mga ‘yan baka may mga non-Filipino na hindi pa marunong mag-Italian… Eh may English Mass, eh ‘di masaya sila, nakakipag-English Mass.” Ani Fr. Gaston.
Binigyang-diin din ni Fr. Gaston na ang paggamit ng Filipino identity sa ibang bansa ay hindi nangangahulugang kailangang Tagalog lamang ang ginagamit sa pagsamba kung saan, maging sa Pilipinas ay iba-iba ang mga wikang ginagamit sa mga pagdiriwang ng Banal na Misa, depende sa rehiyon.
“Kasi sa Manila, sa Bulacan, sa Batangas, sa Cavite… mga Tagalog Masses. Kaso mo, ‘pag pumunta ka na sa Northern Luzon, pumunta ka na sa Visayas, pumunta ka na sa Mindanao, halos wala namang Tagalog Mass.” Ayon pa kay Fr. Gaston.
Ibinahagi rin ng Pari ang isang karanasan sa Pontificio Collegio Filipino kung saan may mga Filipino priest mula sa Visayas, Mindanao at Northern Luzon na unang nakapagdiwang ng Tagalog Mass sa Roma.
“First time daw nilang magmisa in Tagalog, alam niyo saan? Dito, dito sa Rome! Dito pala sila nakapag-Tagalog Mass, sa Philippines never silang nakapag-Tagalog Mass.” Pagbabahagi ni Fr. Gaston.
Dahil dito, nakikita ni Fr. Gaston ang English Mass bilang isang paraan upang mapag-isa ang mga Filipino mula sa iba’t ibang rehiyon at, higit sa lahat, maging bukas sa mga hindi Filipino.
“Kaya isang paraan na maaari tayong maging missionary abroad ay ‘yun nga, sa English Mass. Kasi pati ‘yung mga non-Filipinos nakukuha din natin, naiimbita natin.” Ayon kay Fr. Gaston.
Pope Leo XIV: Pag-aaral, dapat maging serbisyo
Samantala, ibinahagi rin ni Fr. Gaston ang ilan sa mga pangunahin naganap sa Roma ngayong linggo kabilang ang pagdiriwang ni Pope Leo XIV ng Banal na Misa para sa pagbubukas ng bagong academic year ng Pontifical Universities sa St. Peter’s Basilica noong Oktubre 8, 2026.
Sa kanyang homiliya, hinikayat ng Santo Papa ang mga estudyante at guro na huwag ituring ang pag-aaral at research bilang pansariling gawain lamang, kundi bilang bahagi ng kanilang misyon sa Simbahan at sa sangkatauhan.
“No one will teach, study or undertake research solely for themselves, but together with others, for others and, above all, with and for the Lord.” Ani Fr. Gaston.
Ayon sa Pari, binigyang-diin din ng Pope Leo XIV ang kahalagahan ng talino, pagtatanong, at critical thinking sa pananampalataya at misyon, habang hinihikayat ang mga nasa pontifical universities na gamitin ang kanilang natutuhan sa paglilingkod sa iba.
Para kay Fr. Gaston, ang ganitong paanyaya ng Santo Papa ay mahalaga rin para sa mga Filipino sa abroad sapagkat ang kanilang pananampalataya at kakayahan ay hindi lamang para sa sariling komunidad kundi maaaring maging tulay ng pagkakaisa, paglilingkod, at pagpapahayag ng Mabuting Balita sa mga taong kanilang nakakasalamuha.
“Filipino tayo, missionary tayo kahit saan tayo.” Paalala ni Fr. Gaston.
Sa patuloy na pagdami ng mga Pilipinong naglilingkod at naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng mundo, nananatiling hamon sa kanila ang isabuhay ang kanilang pananampalataya hindi lamang sa loob ng Filipino communities kundi sa mas malawak na komunidad kung saan sila inilagay ng Diyos.




