13,312 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Mary Comforter of the Afflicted Parish (MCAP) ang pagpapalawak ng misyon ng simbahan lalo na sa nasasakupang pamayanan ng Maricaban sa Pasay City.
Ayon kay MCAP Parish Priest Fr. Jeffrey Jamias sa kanyang pamamahala sa parokya ay bibigyang prayoridad ang pagpapagawa ng simbahan para sa mas ligtas at maginhawang pagdariwang ng mga gawaing espiritwal lalo na ang Banal na Misa.
Sinabi ng pari na bahagi ng gawaing pagpapastol ang pagtiyak sa maayos na bahay dalanginan gayundin ang pagsasaayos ng mga programang nakabatay sa hangarin ng Archdiocese of Manila.
“Pinaka-priority po nating pinaghahandaan ngayon ang pagpapagawa ng gusali ng simbahan at nakatitiyak kami na kapag naisaayos na ang ating simbahan mas lalong mai-engganyo ang mga taong muling makabalik sa simbahan gayundin ang mga pangunahing mga hangarin ng parokya na nakalinya po sa hangarin ng RCAM ang Traslacion Roadmap yan po ay sinasabuhay natin at tinitiyak po na naka-align tayo sa mga gawain ng archdiocese,” pahayag ni Fr. Jamias sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ni Fr. Jamias na isang buwang pinaghahandaan ng parokya ang ika – 32 kapistahan lalo na sa espiritwal na aspeto tulad ng pagkakaroon ng kumpisalang bayan, pagtatanod sa Banal na Santisimo, gayundin ang Dalaw Hilom sa mga may karamdaman sa walong barangay na sakop ng parokya at pagdiriwang ng street masses bago ang misa nobenaryo.
Nitong August 19 pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Cardinal Jose Advincula ang ikaapat na misa nobenaryo ng parokya kung saan mass sponsors ang Brgy 181 Councils and Staff at mass offeror naman ang Ministry of Greeters and Collectors at Parish Staff Personnel.
Inaanyayahan ni Fr. Jamias ang pamayanan na suportahan ang mga gawain ng parokya gayundin ang paanyaya sa nalalapit na kapistahan sa August 25 kung saan pangungunahan ni Dicastery for Evangelization Pro Prefect Cardinal Luis Antonio Tagle ang Misa Mayor sa alas 9:30 ng umaga.
“Mga parishioners kami po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong suporta at pananalangin at patuloy yo kaming ipagdasal lalo’t higit itong mga hangarin ng parokya sa pagpanibago ng aming simbahan,” ani Fr. Jamias.
Ilan pa sa mga naging gawain ng MCAP sa pagdiriwang ng kapistahan ang Kumpilang Pamparokya noong August 17 na pinangunahan ni Pasay City Episcopal Vicar Fr. Edgardo Coroza habang sa August 24 naman sa alas otso ng umaga ang Pahilayaw o Sayaw Parangal kay Nana Chelo at coronation night ng Binibini at Ginoong MCAP 2024 at Pistang Palaro naman sa August 26.