14,109 total views
Suportado ng social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang isinampang petisyon sa Supreme Court upang protektahan ang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Hinihiling sa petisyon ang temporary restraining order at writ of preliminary injunction para pigilan ang paglilipat sa Bureau of Treasury ng humigit-kumulang P90-bilyong labis na pondo ng PhilHealth.
Ayon kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na bagamat makatutulong ito sa paglago ng ekonomiya ng bansa, ang paggamit ng labis na pondo ng state health insurer para sa unprogrammed appropriations ay maaaring magdulot ng maling paggamit sa pondo at pangungurakot.
“While we appreciate the national government’s concern through the Department of Finance to fund initiatives to support economic growth, we strongly object to the use of PhilHealth funds for unprogrammed appropriations and fear that this move may lend to the misuse of the funds, not discounting exposing such to corruption,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Ang petisyong isinampa nina Senator Aquilino Pimentel III, dating finance undersecretary Cielo Magno, constitutional law expert Dante Gatmaytan, at ng Philippine Medical Association, ay humiling din sa Korte Suprema na utusan ang Department of Finance na ibalik sa PhilHealth ang anumang pondo na maaaring nailipat kasunod ng anunsyo ng kagawaran.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na ang mga pondong ito’y mula sa kontribusyon ng mamamayang Pilipino at dapat lamang gamitin para sa pangangalaga sa kalusugan ng mga miyembro nito, lalo na ang mga matatanda at nasa laylayan ng lipunan.
Binanggit din ng obispo ang Universal Health Care Law na ipinatupad noong 2019 na naglalayong matulungang mapagaan ang pasanin ng taumbayan, lalo na ang mga mahihirap, sa pagkuha at pagtanggap ng serbisyong pangkalusugan.
“We appeal to the honorable justices of our Supreme Court to uphold the principles of the 2019 Universal Healthcare Law and protect every Filipino’s right to health by deciding in favor of the petition,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Nanindigan naman ang Caritas Philippines, kasama ang 85 diocesan social action centers sa buong bansa, na patuloy na itataguyod ang mga polisiyang uunahin ang kapakanan ng mga mahihirap, maging ang pagtiyak na ang pangangalaga sa kalusugan ay makakamit ng lahat ng Pilipino.
“As a humanitarian organization and as stewards of the Church’s social mission, we believe it is our civic and moral duty to defend the integrity of these funds,” dagdag ng obispo.