2,982 total views
Nagkasundo ang pamahalaang lunsod ng Maynila at Minor Basilica of the Black Nazarene sa pagsasagawa ng motorcade sa imahe ng Poong Hesus Nazareno sa Biyernes Santo.
Ayon kay Quiapo Church Rector at Parish Priest Fr. Rufino Sescon Jr. ay hakbang upang ipakita ang debosyon ng mananampalataya sa Mahal na Poong Hesus Nazareno lalo ngayong mga Mahal na Araw.
“Sa darating na Biyernes Santo ay gaganapin natin ang motorcade bilang pagpapahayag ng ating debosyon sa ating Mahal na Poong Hesus Nazareno upang magkaroon ng pagkakataon ang mga deboto lalong lalo ang mga taga Quiapo na masilayan si Hesus,” bahagi ng pahayag ni Fr. Sescon.
Ayon naman kay Manila Mayor Honey Lacuna ang motorcade ay magsisilbi ring batayan sa pagsasagwa ng mas malaking pagdiriwang ng kapistahan ng poon sa susunod na taon.
“Ito po ay bilang paghahanda sa mas malaki nating pagdiriwang sa Kapistahan po ng Mahal na Poong Nazareno sa darating po na January 9; ito po ang magiging batayan natin kung paano maisasagawa ang atin pong maayos na pagdiriwang,” ani Lacuna.
Panawagan ni Fr. Sescon sa mga deboto na ipakita ang disiplina upang maging maayos ang motorcade sa imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno at mapag-aralan ang pagdiriwang sa taunang pista ng Traslacion.
“Kaya lalo nating ipakita na ang ating debosyon ay para sa pagpapaayos at lalong maging pagkakaisa…ako po’y nanawagan sa lahat na sama-sama po tayo na ipahayag natin ang ating pagmamahal sa Mahal na Señor lalo nitong Biyernes Santo sa ating motorcade at sama-sama tayong maghanda sa kapistahan sa January 9,” ani Fr. Sescon.
Sinabi ni Quiapo Church Attached Priest Fr. Earl Allyson Valdez na paiigtingin ang seguridad sa paligid ng dambana sa mga Mahal na Araw lalo na sa pagsasagawa ng motorcade para sa kaligtasan ng bawat debotong dadalo sa mga pagdiriwang.
Isasagawa ang motorcade sa April 7, ganap na alas-12 ng hatinggabi na iikot sa paligid ng Quiapo church.
Bagamat unti-unting ibinalik ang karaniwang gawain sa kapistahan ng Poong Hesus Nazareno, ipinagpaliban pa rin ang Traslacion ngayong taon sa halip ay isinagawa ang Walk of Faith mula Quirino grandstand patunong basilica na dinaluhan ng humigit kumulang 100-libong deboto.