3,693 total views
Homiliya para sa Kapistahan ni San Bartolome, 24 Agosto 2024, Jn 1:45–51
“Bago ka tinawag ni Felipe NAKITA KITA sa ilalim ng puno ng igos.” Iyun lang ang sinabi ni Hesus. Hanggang ngayon hinuhulaan pa ng mga Bible scholars kung bakit napakatindi ng epekto ng sinabing iyon ni Hesus kay Nataniel o Bartolome. Alam ng marami sa inyo na maaga akong gumising araw-araw para magkape. Dinadala ko ang kape ko sa loob ng aking oratory sa bahay. Doon, imbes na luhuran, ang meron ay cofeetable. At ang tawag ko sa dalawang oras na prayer period ko araw-araw tuwing umaga ay COFFEE WITH JESUS. Isa sa pinakamadalas kong gamiting paraan ng pananalangin ay ang tinatawag ni San Ignacio de Loyola na “Contemplation”. Binabasa ko muna ang mga readings for the day. Pagkabasa, tumatahimik ako, pumipikit para ilarawan ang nabasa ko sa imahinasyon—para akong nanonood ng sine sa isip ko. Nakikita ko ang sitwasyon na binanggit sa binasang kuwento sa ebanghelyo, ang kapaligiran, ang mga karakter, ang pag-uusap nila. Doon, madalas parang unti-unting nabubuo ang kuwento. Pumapasok ako sa eksena, nagiging participant ako sa nangyayari imbes na manood lang.
Parang ganoon ang ginawa ni Dallas Jenkins sa karakter ni San Bartolome sa TV episode na THE CHOSEN. Binigyan niya ito ng konteksto. Doon, isang trying-hard na architect-engineer si Bartolome, napabilib niya ang mga Romans sa husay niyang magdesign ng mga bahay. Kinontrata siya para magtayo ng bahay, pero mali ang kalkulasyon niya sa mga poste at biga, kaya minsan isang araw, pumalpak ang construction, nagkaroon ng aksidente, gumuho ang itinatayong gusali at may namatay pa sa mga trabahador.
Ang kasunod ay isang eksena under the fig tree. Depressed na depressed si Bartolome, matagal siyang parang tulala na nakatingala sa langit, inilabas niya ang sama ng loob sa Diyos. “Dasal ako nang dasal sa iyo, hindi mo naman ako pinakikinggan.” Gusto sana niyang magbigti na lang sa isang sanga ng puno pero di niya magawa. Sinunog na lang niya ang mga iginuhit niyang mga plano ng mga bahay, at pagkatapos ay naglasing siya. Kinabukasan noon nga siya tinawag ni Felipe para sabihan na nakita na nila ang Mesiyas—isang taong ang pangalan ay Hesus na taga-Nazareth. Bugnot pa rin ang dating niya. Noon nga niya sinabi, “Meron bang mabuting pwedeng manggaling sa lugar na iyon?” At nang magkita sila ni Hesus sinabi nga sa kanya, “Narito ang isang tunay na Anak ni Israel, walang pagkukunwari.” React naman siya. Sabi niya, “Paano n’yo ako nakilala?” Nagtagpo ang mga mata nila at noon nga sinabi ni Hesus sa kanya, “Nakita kita… sa ilalim ng punong igos.” Noon bumalik sa alaala niya noong nakaupo siya sa ilalim ng punong igos, noong tumingala siya sa langit at inilabas ang sama ng loob sa Diyos at sinunog ang mga disenyo niya. Biglang naramdaman niya na ang Diyos na sinusumbatan pa lang niya noong nakaraang araw ay naririto ngayon sa kanyang harapan at sumasagot sa panaghoy niya, “HIndi ka nag-iisa. Naroon ako, nakita kita.” Parang naulit kay Bartolome ang karanasan ng ninuno niyang si Jacob noong tinatakasan pa niya ang kuya niya dahil sa matinding galit nito sa kanya. Nakita niya sa panaginip niya ang isang hagdan sa pagitan ng langit at lupa, at ang mga anghel na umaakyat at bumababa, at ang Diyos na kaharap niya. Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon—Bahay ng Diyos at Pintuan ng Langit.
Tulad ni Jacob, ang magiging kasunod ng karanasang iyon ay isang matinding pagbabago sa buong direksyon ng buhay niya. Ang dating ambisyoso at mapanlinlang na karakter niya ay matututong magpakatotoo. Parang balatkayo na tatanggalin niya ang dati niyang ugali, babaguhin ni Hesus ang kanyang pagkatao, isasabuhay na niya ang tunay na kahulugan ng kanyang pangalang Nataniel na ang ibig sabihin ay REGALO NG DIYOS. Kaya sinabi ni Hesus sa kanya, “Naniniwala ka na dahil sinabi kong NAKITA KITA SA ILALIM NG PUNO NG IGOS? Higit pa riyan ang makikita mo. Bubukas ang langit at makikita mong umaakyat at bumababa ang mga anghel sa Anak ng Tao.” Ang tinutukoy ni Hesus ay ang pangitain ni Jacob—ang nakita nito sa panaginip na magiging misyon niya sa buhay—ang maging hagdan na mag-uugnay sa langit at sa lupa. Pero imbes na hagdan ngayon ang tagapag-ugnay ay ang Anak ng Diyos na naging Anak ng Tao upang tayong mga anak ng tao ay maging mga kaanak ng Diyos.
Doon sa Rome, sa Vatican city, sa Sistine Chapel kung saan ibinoboto ng mga Cardinal ang isang bagong Santo Papa, doon sa kisame ng Kapilyang iyon ipininta ni Michelangelo ang mga hubad na apostol. Pinaka-kakaiba si San Bartolome—may hawak siyang balat na para bang hinubad niya. Sabi nila, iyon daw ang ikinamatay niya. Tinortyur daw siya at binalatan nang buhay. Masyado namang literal iyon. Sa palagay ko, iyon ay matalinghaga. Isang paglalarawan sa conversion story na nagpabago sa pagkatao ni Bartolome upang maging isang tunay na regalo ng Diyos sa mundo, isang Nataniel.
Dasal ko para sa inyong lahat sa araw na ito ng kanyang kapistahan lalo na sa mga nasisiraan ng loob, sa mga taong ang tingin sa sarili ay failure, mga natutuksong gumive-up o nawawalan na ng pag-asa sa buhay, baka dumating din sa inyo ang sandali na makatagpo ninyo siya. Baka nga ito mismo ang sandali na maririnig ninyo siya at sasabihin niya sa inyo: “I see you. I feel your pain. I know what you are going through.” Nakikita kita. Ramdam ko ang pinagdadaanan mo. Ang akala mo’y katapusan ay simula pa lamang ng isang bagong yugto sa buhay mo, simula ng isang bagong kabanata sa iyo bilang kabahagi ng buhay ko at misyon, sa buhay at misyon ng simbahan sa mundo.