1,849 total views
Itinatatag ang Titus Brandsma Award Philippines noong taong 2000.
Ayon kay Rev. Fr. Christian B. Buenafe, O.Carm. – Executive Director ng Titus Brandsma Media Center and Institute of Spirituality in Asia, layunin ng paggagawad parangal na bigyang pagkilala ang mga nasa larangan ng pamamahayag na puspusang naninindigan sa pagsusulong ng katotohanan sa lipunan.
Ang mga katangiang ito ay isinabuhay ni St. Titus Brandsma na kilala bilang defender of truth and martyr of press freedom.
“Ang Titus Brandsma Award Philippines ay na-established noong 2000 at ito ay isang pamamaraan na pinaparangalan natin, binibigyan natin ng honor at recognition yung mga journalist, mga artists, mga media professionals, community media, alternative media na talagang seryoso, sineryoso ang propesyon bilang mamamahayag, so napakahalaga yung katotohanan, yung truth at si St. Titus Brandsma ay siya naman ang patron na bagong santo, isang Carmelite na pari Dutch Carmelite na naging defender of truth saka naging martir ng press freedom.” Ayon kay Fr. Buenafe.
Ipinaliwanag ng Pari na ang Titus Brandsma Award Philippines ay pagkilala sa mga personalidad at indibidwal na isinasabuhay ang mga prinsipyo at paninindigan ni St. Titus Brandsma na pagsusulong ng katotohanan, katarungan, kapayapaan at integridad sa buhay.
Matatandaang May 15, 2022 nang ganap na maging santo ang Carmelong pari na pinaslang sa Dachau concentration camp sa Germany noong July 26, 1942 dahil sa paninindigan sa katotohanan nang tanggihang ilathala sa Catholic newspaper ang Nazi propaganda.
Dahil dito tinagurian si St. Titus Brandsma na ‘Defender of Truth’ at ‘Martyr of Press Freedom’ kung saan sa Pilipinas ay ipinagpatuloy ang kanyang gawain sa pamamagitan ng pagtatag sa Titus Brandsma Media Center na layong magbahagi ng media education at pastoral care para sa mga media professionals; at Titus Brandsma Media Awards, na kumikilala sa natatanging media practitioners na nagpapahalaga sa katarungan, katotohanan, kalayaan at nagtataguyod sa kapakanan ng mga mahihirap sa lipunan.(reyn)