371 total views
April 29, 2020-1:08pm
Hindi maaring maging hadlang sa pagpapalago ng pananampalatayang Kristiyano ang pag-iral ng new normal na dulot ng pandemic novel coronavirus.
Ito ang binigyan diin ni Fr. Norman Peña, SVD ng Loyola school of Theology sa halip ay magkakaroon lamang ng mga pagbabago upang maiakma ang kilos at gawi sa bagong iiral mula sa nakasanayan.
“But faith itself will not change, yung Catholicism itself will never change. Hindi yun ang magbabago. Ang nagbabago dito ngayon yung pino-propose ng new normal kung paano natin ipinahahayag, isinasabuhay ang pananampalataya,” ayon kay Fr. Peña.
Paliwanag ng pari ang mga pagbabagong ito ay sa pamamagitan ng pag-aakma ng mga gawain para sa pagpapatuloy at pagsasabuhay ng pananampalataya.
Isa na sa halimbawa ayon sa pari ay ang mga ritwal na tradisyong isinasagawa.
Dulot ng pandemic coronavirus, kabilang sa mga ipinatupad ng pamahalaan ang pagbabawal sa pampublikong misa at physical distancing na layong pabagalin ang pagkalat ng virus sa mga tao.
Naging tugon naman ng simbahan ang unang pagpapairal nang pagtanggap ng komunyon sa pamamagitan ng kamay, hindi paghahawak-hawak kamay sa panalangin ng Ama Namin at kalaunan ay ang pagsasagawa ng mga misa kahit walang kongregasyon sa pamamagitan naman ng social media, radyo at telebisyon.
“Old ways cannot be applied anymore. Pero it doesn’t mean na hindi na tayo mag-express ng faith,” ayon pa sa pari.
Sa nakalipas na Kwaresma at Mahal na Araw, bagama’t ginunita ng simbahan ang mga pagdiriwang isinantabi naman ang ilang tradisyon at kultura sa halip ay payak na pagdiriwang ang ginanap nang hindi kinakailangan ang pagdalo ng mananampalataya.
“The greatest act of our faith ‘yung going to church, but it doesn’t mean it stops there. To be effective what we have done sa simbahan dapat isabuhay natin,” paliwanag pa ng pari.
Sa higit isang buwang pag-iral ng community quarantine ay naging abala ang mga lingkod ng simbahan sa mga pagkakawanggawa sa mga mahihirap at pagkupkop sa mga walang tahanan.
Simula sa buwan ng Mayo, ilang mga lalawigan sa Pilipinas ang sasailalim na sa General Community Quarantine – o mas maluwag na panuntunan kung saan ilang mga establisimyento na ang makakapagbukas ng negosyo.
Habang mananatili naman hanggang sa ika-15 ng Mayo ang pag-iral ng Enhanced Community Quarantine sa mga lugar na may matataas na kaso ng Covid-19 kabilang na ang National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon.
Sa Borongan City, Eastern Samar na nasa ilalim ng GCQ dahil sa walang naitalang kaso ng impeksyon ay nagsimula nang magbukas ang mga simbahan bagama’t patuloy pa ring iiral ang physical distancing, pagsusuot ng face mask at ilang pang mga pag-iingat sa pagkalat ng virus.