15,399 total views
Binigyang diin ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na walang sinuman ang mas nakahihigit o nakatataas sa batas.
Ito ang bahagi ng pahayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, pangulo ng Caritas Philippines kaugnay sa sitwasyon sa Davao City dulot ng patuloy na paghahanap ng mga pulis kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy na nahaharap sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace, mahalaga ang pananaig ng batas at katarunang panlipunan lalo na’t walang sinuman ang mas nakatataas sa batas.
pinaliwanag ni Bishop Bagaforo, kaakibat ng pagpapatupad ng batas ang patiyak sa patuloy na pagbibigay halaga sa dignidad at karapatang pantao ng bawat indibidwal. “We renew our appeal to all those involved: no one is above the law, and justice must prevail, not through violence, but through adherence to the rule of law and respect for human dignity” Bahagi ng pahayag na ipinaabot ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Muli ring nanawagan si Bishop Bagaforo kay Quiboloy na harapin ang kanyang mga kaso upang hindi na tumagal pa ang pagdurusa ng kanyang mga biktima na patuloy na naghahanap ng katarungan mula sa kanilang sinapit.
Giit ng Obispo, mahalaga ang pagsunod sa batas hindi lamang ni Quiboloy kundi maging ng kanyang mga tagasuporta na pawang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na nagdudulot sa pagkaantala ng pagpapatupad ng prosesong legal ng mga alagad ng batas.
“Evasion of arrest or delay of justice merely prolongs the pain and suffering of the victims who have bravely come out into the open… It is crucial that Mr. Quiboloy and his supporters respect the rule of law and allow the legal process to take its due course without interference.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Pinaalalahanan naman ni Bishop Bagaforo ang mga alagad ng batas na huwag gumamit ng dahas sa pagpapatupad ng batas sa halip ay tuwinang isaisip at bigyang halaga ang kaligtasan at dignidad ng bawat isa.
“We recognize the difficult task faced by our law enforcement personnel, but it is essential that they conduct their operations with care, ensuring the safety and dignity of everyone involved,” Ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Matatandaang nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng pulisya at mga tagasunod ni Quiboloy sa Kingdom of Jesus Christ compound sa Davao City matapos ang panibagong operasyon na pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Quiboloy.
Una na ring nagpahayag ng pagkadismaya ang Caritas Philippines sa pagpanig at tila pagsuporta ng ilang mga senador kay Quiboloy na nahaharap sa iba’t ibang kaso ng pang-aabuso at kabilang sa mga “wanted persons” ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa patung-patong na kaso ng human at sex trafficking ng mga kababaihan at menor de edad.