11,179 total views
Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na walang karapatang-pantao ang nalalabag sa kabila ng operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.
Ang pahayag ng DILG ay kaugnay sa inilabas na Temporary Protection Order (TPO) ng Davao City Regional Trial Court (RTC) Branch 15 na nag-uutos sa PNP Police Regional Office XI na ihinto na ang pagba-barikada at lisanin na ang KOJC compound dahil nagdudulot lamang ito ng pangamba sa kaligtasan ng mga nagsasagawa ng kilos-protesta.
Ayon kay DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr., ang operasyon ng PNP ay alinsunod sa mga arrest warrant mula sa Pasig City RTC Branch 159 at Davao City RTC Branch 12, at hindi rin nito hinahangad na magdulot ng banta sa mga kasapi ng KOJC.
“We will seek clarification from RTC Branch 15 considering that the police operations and barricades do not pose a threat to life, liberty or security of KOJC members. Rather, these are only being done pursuant to the lawful enforcement of the warrants of arrest from the Pasig City RTC Branch 159 and Davao City RTC Branch 12,” pahayag ni Abalos.
Dahil dito, iginiit ng kalihim na malinaw na walang hayagang utos ang Davao City RTC Branch 15 upang lisanin ng PNP ang KOJC compound at ihinto ang anumang operasyon.
Sinabi ni Abalos na ipagpapatuloy ng pulisya ang tungkuling ihatid ang arrest warrant kay Apollo Quiboloy at iba pang mga akusado, na may paggalang sa karapatang pantao at legal na proseso.
“We will continue to uphold the sanctity of the justice system and the rule of law,” ayon kay Abalos.
Muli namang umapela si Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa lahat ng mga kasangkot sa nangyayaring gulo sa KOJC compound na ang katarungan ay dapat manaig, hindi sa pamamagitan ng karahasan, kundi sa pamamagitan ng pagsunod sa batas at paggalang sa dignidad ng tao.