315 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang Korte Suprema na desisyunan na ang constitutionality ng K to12 program matapos nitong ibasura ang petisyon na humihingi ng Temporary Restraining Order o Writ of Preliminary Injunction para pigilan ang implementasyon nito.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, hindi dumaan sa malawakang konsultasyon ang ipinasang Republic Act 10533 o ang K to 12 Law bago ito tuluyang ipatupad.
Ikinababahala rin ni Bishop Pabillo ang nasa mahigit 20,000 mga guro na mawawalan ng trabaho sa loob ng limang taong transition period ng K-12.
“Kaya nag – MR yung mga teachers pero mas hinihingi pa natin more than just a TRO ay pag–usapan at pagdesisyunan ng Supreme Court tungkol sa constitutionality ng K–12. TRO lang yung kanilang tinanggihan pero yung constitutionality hindi pa nadedesisyunan. Mabuti naman at nagdesisyun na sila sa TRO para talaga makita yung ground at dapat yung constitutionality nito ay madesisyunan na nila,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Nauna na ring sinabi ng Commission on Higher Education o CHED na may nakalaan na P8-Bilyon sa mga guro na mawawalan ng hanapbuhay sa school year 2016-2017.
Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Education Sec. Armin Luistro sa Korte Suprema sa pagbasura ng nasabing petisyon.