355 total views
Hinimok ng Department of Education (DepEd) ang publiko lalo na ang mga magulang na kuhanan ng video o litrato ang mga pulitikong mangangampanya sa mga graduation rites.
Ayon kay DepEd Secretary Armin Luistro, kailangang i-ulat sa kanila ang mga sinasabing Epal na pulitiko upang makasuhan ng electioneering ng Comelec.
Inihayag ni Luistro na may mga kandidato pa rin na imbitado na magsalita sa mga graduation rites ay nakukuha pang mangampanya kung saan nagsusuot pa sila ng mga t-shirts na sila ay tumatakbo at sila ang dapat na iboto.
“Yung ating policy dapat yung mga tumatakbo, hindi dapat nagsasalita, guest of honor pero if mga re-electionst sila, hindi yan maiiwasan, kaya hinihiling natin sa kanila na huwag naman nila gamitin sa pangangampanya ang graduation, karamihan nirerespeto nila, pero may ilang pasaway na minsan nag eepal pa, minsan may kanya kanyang gimik ang mga umi-epal, nagsusuot ng t-shirt na may campaign , may contingent silang pareho sa mga t-shirt, hiniling na lang sa mga kababayan na kunan ng pictures o video dahil may ugnayan tayo sa Comelec na maari silang makasuhan ng electioneering, partner kami ng Comelec sa election implementation.” Pahayag ni Luistro sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Sa tala ng Commission on Elections nasa mahigit 18,000 ang mga posisyon ngayon sa pamahalaan na kailangan malagyan ngayong May elections.
Una ng hinihimok ng Simbahang Katolika ang mamamayan na bumoto ng naaayon sa konsensiya at iboto lamang ang mga kandidatong tunay na maka-kalikasan, maka-Diyos at maka-mahirap.