2,095 total views
Mariing pinaalalahanan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansang Nepal na huwag makisali sa mga nagaganap na kilos-protesta o anumang gawaing pampulitika sa gitna ng kaguluhan sa nasabing bansa.
Ito ang bahagi ng mensaheng ipinaabot ni Antipolo Bishop Ruperto Santos, CBCP Bishop Promoter ng Stella Maris–Philippines sa Radyo Veritas sa gitna ng nagaganap na kaguluhan at kawalang katiyakan sa kalagayan ng pulitika sa bansang Nepal.
Paliwanag ng Obispo, mas nararapat na umiwas at hindi masangkot sa kaguluhan ang mga Pilipino sa nasabing bansa upang maiwasang masangkot sa anumang gulo o karahasan at kanilang maisakatuparan ang kanilang misyon at tungkulin sa bansa para sa kinabukasan ng kanilang mga mahal sa buhay.
“You have made the courageous decision to work abroad so that your families in the Philippines may live better lives: lives of dignity, safety, and security. That mission is noble. That sacrifice is sacred. In this time of turmoil, I urge you: do not get involved in rallies or political demonstrations. These may seem compelling or even justified, but they are not your battle. Your presence in Nepal is not to engage in political movements, but to fulfill your calling as providers, caregivers, and ambassadors of Filipino resilience and faith.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Hinikayat rin ni Bishop Santos ang mga OFWs na manatiling nakatuon sa kanilang layunin, umiwas sa mga lugar ng kaguluhan, manatiling nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy at sa lokal na pamayanang simbahan, at higit sa lahat, manatiling matatag sa pananampalataya kasabay ng patuloy na pagiging saksi ng kapayapaan at pag-asa sa kabila ng takot at kawalang katiyakan.
“Stay focused on your mission… Prioritize your safety – Be vigilant. Avoid areas of unrest. Follow local advisories and stay connected with the Philippine Embassy and your local parish community… Seek strength in community… Remain rooted in faith – In moments of fear or uncertainty, turn to the Lord in prayer. He is your refuge and strength.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Tiniyak din ni Bishop Santos na kasama sa panalangin ng Simbahan sa Pilipinas ang lahat ng mga OFWs at iba pang mga mamamayan sa Nepal, na pawang inihahabilin at ipinagkakatiwala ng Simbahan sa pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria.
“We stand with you. We are praying for you daily. May the Lord bless you with courage, wisdom, and protection. And may Mama Mary, our loving Mother, wrap you in her mantle of peace,” Ayon pa kay Bishop Santos.
Pagbabahagi ng Obispo, tulad ng isang ama ay kanyang ipinapaabot ang kanyang malasakit at panawagan ng pag-iingat sa lahat ng mga mamamayan ng Nepal na naiipit sa kaguluhan at kawalang katiyakan sa bansa.
Ayon kay Bishop Santos, higit na mahalagang tiyakin ng bawat isa ang kanilang kaligtasan mula sa anumang uri ng kaguluhang nagaganap sa bansa.
“I write to you with deep concern and fatherly affection, especially in light of the recent instability and unrest unfolding in Nepal. The news of protests, violence, and political uncertainty has reached us and we are praying fervently for your safety, protection, and peace of mind. You are far from home, but never far from our hearts. We know why you are there —not for politics or protest, but for purpose.” Mensahe pa ni Bishop Santos.
Nagsimula noong ika-8 ng Setyembre, 2025 sa Kathmandu ang mga protesta sa Nepal na pinangunahan ng mga Gen Z o mga kabataang edad 13 hanggang 28-taong gulang laban sa ipinataw na social media ban sa bansa at mga alegasyon ng korupsiyon sa pamahalaan na mabilis na kumalat sa buong bansa.
Sa kasalukuyang ulat umaabot na sa mahigit 50-indibidwal ang nasawi at mahigit sa 1,300 naman ang nasugatan sa patuloy na nagaganap na kaguluhan sa nasabing bansa.
Batay sa tala, aabot sa humigit kumulang 300 ang mga Filipino na nagtatrabaho at naninirahan sa Nepal.