6,499 total views
Magsisilbing kinatawan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa United Nations Climate Change Conference of Parties o COP29 Summit na magsisimula ngayong araw November 11 hanggang 22, 2024 sa Baku City, Azerbaijan.
Ayon kay Bishop Alminaza, na siya ring vice president ng Caritas Philippines, ang kanyang pagdalo sa COP29 Summit ay pagpapakita ng matibay na pangako at paninindigan ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na kumilos para sa katarungang ekolohikal at harapin ang epekto ng pagbabago ng klima.
Binigyang-diin ng obispo na ang kanyang pagdalo sa pandaigdigang pagtitipon ay mahalagang pagkakataon upang maipahayag ang mga karanasan at pananaw ng mga komunidad sa Pilipinas na labis na apektado ng krisis sa klima.
“Our participation in COP29 represents more than just attendance at an international conference. It is a crucial opportunity to advocate for our communities who bear the brunt of climate change impacts while having contributed the least to this crisis,” ayon kay Bishop Alminaza.
Kabilang sa mga pangunahing layunin ng Caritas Philippines sa COP29 Summit ang pagsusulong ng makatarungang paglipat sa malinis na enerhiya para sa kapakanan ng mga pamayanang madalas masalanta ng mga sakuna, pati na rin ang panawagan para sa pagbawi ng utang upang matulungan ang mga bansang umuunlad, tulad ng Pilipinas, sa pagtugon sa mga hamon ng nagbabagong klima.
Suportado rin ng development at advocacy arm ng CBCP ang kampanya laban sa patuloy na paggamit at paglawak ng fossil fuels upang matugunan ang pangunahing sanhi ng krisis sa klima.
Bilang kinatawan mula sa bansang lubos na apektado ng mga panganib dulot ng pagbabago ng klima, sisikapin ni Bishop Alminaza na itaguyod ang usapin ng pananagutan sa klima sa mga pag-uusap sa pandaigdigang pagtitipon.
Muling magtitipon sa COP29 Summit ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) ang iba’t ibang lider ng bansa, civil society organizations, at climate experts upang isulong ang mga hakbang laban sa pagbabago ng klima at paigtingin ang mga pangako sa ilalim ng Paris Agreement.