27,081 total views
Nanawagan si Radio Veritas President at Archdiocesan Office of Communication (AOC) Director ng Archdiocese of Manila, Rev. Fr. Roy Bellen, sa mga mamamahayag at tagapaghatid ng balita na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng katapatan at integridad sa kanilang bokasyon at industriya.
Paliwanag ng Pari, ang tunay na misyon ng midya ay ang paglilingkod sa katotohanan at katarungan para sa kabutihang panlahat.
Giit ni Fr. Bellen, ang pagkakasanggot ng mga mamamahayag at tagapaghatid ng balita sa manipulasyon, panunuhol, at pagbabaluktot ng mga impormasyon ay nagko-kompromiso sa misyon ng pagpapahayag ng katotohanan at katarungan sa lipunan.
“My dear brothers and sisters, we must remain vigilant against the growing culture of corruption, even within the media industry. The media’s role is to uphold truth, promote justice, and serve the common good. When it succumbs to manipulation, bribery, or the distortion of facts, it betrays this mission and misleads the people.” Pahayag ni Fr. Bellen sa Radyo Veritas.
Pinaalalahanan rin ng Pari ang mga mamamahayag na alalahanin at yakapin ang hamon na isulong ang misyong paghahanap ng katotohanan na may pag-ibig, pagkakawanggawa, pagkakaibigan, at pakikipag-ugnayan.
Dagdag pa ni Fr. Bellen, ang pagtanggap ng anumang salapi ay malaking paglabag sa bokasyon ng media, at nagdudulot ng maling impormasyon sa publiko.
“I urge our brothers and sisters working in media to remember that we are called to be witnesses of the Truth, who is Christ Himself. Let us also pray for those blinded by greed, that their hearts may be converted.” Panawagan ni Fr. Bellen.
Samantala, nanawagan din ang Pari sa mananampalataya na ipagdasal ang mga nasa hanay ng midya upang manatiling tapat at maging huwaran ng katapatan at paglilingkod sa katotohanan.
Matatandaang nasasaad sa mensahe ni Pope Francis para sa 59th World Day of Social Communications ngayong taon ang hamon sa mga mamamahayag at tagapaghatid ng balita na maging tagapaghatid ng pag-asa o ‘communicators of hope’ sa gitna ng kasalukuyang panahon na puno ng hamon at mga suliranin.
Ayon sa Santo Papa, ang kasalukuyang Jubilee Year of Hope ay isang biyaya at pagkakataon para sa bawat isa upang sariwain ang misyon bilang katuwang ng Simbahan sa paghahatid sa mensahe ng diwa ng Ebanghelyo.
Giit ni Pope Francis, ang tunay na pamamahayag ay hindi lamang pagbabahagi ng impormasyon, kundi paghahatid ng pag-asa at liwanag na nagmumula kay Kristo.
“As I reflect on the Jubilee we are celebrating this year as a moment of grace in these troubled times, I would like in this Message to invite you to be “communicators of hope”, starting from a renewal of your work and mission in the spirit of the Gospel.” Bahagi ng mensahe ni Pope Francis.






