372 total views
Pinalawig ng Pag-IBIG Fund ang paglilingkod sa mamamayan lalo na sa mga Overseas Filipino Workers.
Inilunsad ng institusyon ang Pag-IBIG Virtual Office nitong July 23, 2021 na layong higit na maabot ang mga kasaping nasa ibayong dagat lalo’t umiiral pa rin sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang restrictions dahil sa coronavirus pandemic.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chairman at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Eduardo del Rosario ito ay bahagi ng pagpapaigting sa serbisyo publiko alinsunod sa alituntunin ng administrasyong Duterte.
“With the Pag-IBIG Virtual Offices, our online service platform will provide service that transcends distance and time zones. Distance will no longer be a hindrance to service our OFWs. This is aligned with President Rodrigo Roa Duterte’s call to make government service responsive to the needs of the public by harnessing technology,” bahagi ng pahayag ni Del Rosario.
Buong galak ding ibinahagi ni Pag-IBIG Fund CEO Acmad Moti na bukas 24/7 ang virtual office ng institusyon kaya’t mas mabilis ang access ng mga OFW sa panahong may kailangan itong isangguni sa tanggapan.
Makikinabang sa nasabing programa ang mga Filipinong nasa North America (United States and Canada), United Kingdom & Ireland, United Arab Emirates, Kuwait, at Singapore.
Sinabi pa ni Moti na ito ay pagpapalawak ng serbisyo gamit ang makabagong teknolohiya para sa mas mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng Pag-IBIG Fund members.
“We know that our overseas Filipino workers deserve the best service from us. By harnessing technology and offering our services online, we are glad that we can give them the same type of service that our members here in the Philippines receive. And that is ‘tapat na serbisyo, mula sa puso,” giit ni Moti.
Nagtalaga ng mga kawani ang institusyon para pangasiwaan ang virtual office kung saan dumaan ito sa mga pagsasanay para sa epektibong pamamahala.
Una nang hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat lider ng mga bansa na magkaisang tugunan ang pangkaraniwang pangangailangan ng mamamayan at gamitin sa wastong pamamaraan ang teknolohiya sa kapakinabangan ng bawat indibidwal.