258 total views
Umaasa ang Arsobispo ng Rabat sa Morocco na maging mabunga ang pagdalaw ng Kan’yang Kabanalan Francisco.
Tiwala si Rabat Archbishop Cristobal Romero na mas mapapalakas ang diwa ng pagkakaisa sa mamamayan ng Morocco at mapapaigting ang mga programang magbubuklod sa mga Kristiyano at buong pamayanan ng Morocco.
“I trust that Pope Francis’ visit will ratify us in this endeavor and will encourage us to continue to have this dialogue of friendship, love and mutual understanding towards Muslim brothers and sisters,” pahayag ni Arhcbishop Romero sa Radio Veritas.
Hinimok ng Arsobispo ang mananampalataya sa Morocco na makiisa sa mga pagdiriwang at mga gawain sa pagbisita ng Santo Papa sa kanilang bansa upang maipakikita sa Pinunong Pastol ng Simbahang Katolika ang pagkakaisa at mainit na pagtanggap.
Nakatakda ang pagbisita ni Pope Francis sa Morocco sa ika – 30 hanggang 31 ng Marso batay na rin sa paanyaya ni King Mohemmed VI ang pinuno ng bansa.
Ilan sa mga nakatakdang gagawin ni Pope Francis sa dalawang araw na pagbisita ang pakikipagpulong sa mga migranteng Sub-Saharan, interreligious meeting, pagdalaw sa Formation Institute ng mga Imam at ilan pang tagapagturo ng Islam sa Morocco.
Dito ay ipinababatid ng mananampalatayang Katoliko na tayo ay nakikiisa sa bawat mamamayan sa mundo sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw at pananampalataya.
Bibisitahin din ni Pope Francis ang Caritas Center sa Rabat upang makihalubilo sa mga manggagawa at volunteers dito at ang Rural Center for Social Services sa Temara Morocco.
Nakatakda ring makipagpulong ang Santo Papa sa mga Pari at relihiyoso sa Arkidiyosesis kasama ang ilang Ecumenical Council of Churches ng Rabat at Banal na Misa na dadaluhan ng mga Kristiyano sa nasabing bansa.
Batay sa tala, may 30 milyon ang populasyon sa Morocco kung saan higit isang porsyento lamang dito ang mga Katoliko.
Hinimok din ni Archbishop Romero ang mga Overseas Filipino Worker sa nasabing bansa na makipagkaisa sa pagtanggap kay Pope Francis at ipagpatuloy ang pakikisalamuha sa mga Muslim lalo na sa kanilang mga trabaho.