14,322 total views
Mariing kinundena ni Cotabato Archbishop Emeritus Cardinal Orlando Quevedo ang paglapastangan sa bahay dalanginan at paghahasik ng karahasan.
Ito ng tugon ng cardinal sa nangyaring pagpasabog sa Santo Niño Chapel sa Barangay Rosary Heights 3 , Cotabato City noong March 19 kung saan nasa 20 katao ang nagtipon at nagsagawa ng Bible study.
Iginiit ni Cardinal Quevedo na walang puwang sa lipunan ang anumang uri ng karahasan kaya’t nararapat na paigtingin ang imbestigasyon upang mapanagot ang nasa likod ng krimen.
“As a member of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Council of Leaders representing the Christian settler communities and as a Catholic Cardinal, I strongly condemn the grenade bombing of a Catholic chapel in Cotabato City,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Quevedo.
Batay sa ulat alas 10:30 ng umaga ng Linggo ng hagisan ng granada ang mga taong nagtipon sa kapilya kung saan dalawa ang nasugatan sa insidente na sina Maribel Abis at Aniceta Tobil.
Ikinalungkot ng cardinal lalo’t nangyari ang karahasan nang ipagdiwang ng simbahan ang Linggo ng Pentekostes o ang pagbaba ng Espiritu Santo sa mga apostol at paghahayag ni Hesus ng kapayapaan sa sangkatauhan.
“The crime is doubly condemnable when committed against neighbors gathered to worship God in a sacred place. I call upon our security, military and investigative forces to ferret out the perpetrators and bring them to justice,” ani ng cardinal.
Patuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police upang matukoy ang mga salarin habang inaalam din ang dahilan ng pagpapasabog sa kapilya.
Samantala patuloy ang panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa lahat ng mamamayang magtulungang isulong at itaguyod ang pagkakasundo at kapatiran upang makamit ng mundo ang pangmatagalang kapayapaan.