6,367 total views
Naniniwala si Program Paghilom President and Founder Fr. Flavie Villanueva SVD na ang pagdinig sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ay isang moral na obligasyon na dapat na tupdin ng mga Senador.
Ito ang mensahe ng Pari sa nalalapit na impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa mga alegasyon ng pagtataksil sa tiwala ng publiko, pandarambong, katiwalian sa kaban ng bayan at iba pang mabibigat ng krimen.
Ayon kay Fr. Villanueva, “IMPEACHMENT IS IMPERATIVE. IMPEACHMENT IS A MORAL OBLIGATION. Impeachment Delayed, Justice Denied.”
Binigyan-diin ng Pari na ang pagpapaliban o pag-antala sa nasabing impeachment trial ay maituturing ding pagtanggi sa pagbibigay ng karatungang panlipunan lalo na sa mga mamamayang umaasa ng maayos at matapat na paglilingkod mula sa mga opisyal ng bayan na inihalal upang pamunuan ang pamahalaan.
Iginiit ni Fr. Villanueva, bahagi ng tungkuling sinumpaan ng mga senador ang pangalagaan ang mga pambansang patakaran at kinabukasan sa pamamagitan ng ganap na pagpapatupad ng mga batas na naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan.
Pagbabahagi ng Pari, hindi dapat hayaan ang sinuman lalo’t higit ang mga opisyal ng pamahalaan na hamakin o isantabi ang mga batas na nasasaad sa Konstitusyon ng Pilipinas na siyang nagsisilbing haligi ng demokrasyang umiiral sa bansa.
“Senators are called to safeguard our nation’s sacred laws, as they shape our national policies and future. But when they (senators) turn a blind eye on justice & human rights in favor of the perpetrators, morality is compromised. In effect, callousness and malevolence reigns supreme. We cannot allow our national leaders to further disdain our constitution, our Faith and our dwindling democracy!” Dagdag pa ni Fr. Villanueva.
Matatandaang ika-5 ng Pebrero, 2025 ng inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreaso ang impeachment laban kay Duterte na pinaboran ng 215 mambabatas habang patuloy pa ring inaantabayan ang pormal na pagbubukas ng Senado bilang impeachment court.