16,302 total views
Yung mga endorsement na iyon ay fake.
Ito ang babala sa publiko ni Dicastery for Evangelization Pro Prefect Cardinal Luis Antonio Tagle kaugnay sa laganap na advertisement online gamit ang pagkakilanlan ng cardinal.
Binigyang diin ng opisyal na kailanman ay hindi ito nag-iendorso ng mga produkto kaya’t dapat na mag-ingat ang mamamayan sa mga napapanuod at nababasa online.
“Mayroon pong mga kumakalat na e-mail, Facebook accounts at videos na ako po ay nag-aadvertise o promote ng mga produkto, alam po ninyo hindi ako kailanman nag-iendorso ng kahit na anong produkto at hindi po ako nag-aadvertise kahit po religious articles kaya huwag po kayong magpapaniwala,” pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Cardinal Tagle ang kumakalat na advertisement online lalo na sa social media platform na Facebook kung saan makikita ang pag-iendorso ng herbal medicine, portable aircon at religious articles.
Batay sa kumakalat na video ginawa ito gamit ang Deepfake technology na isang uri ng Artificial Intelligence na lumilikha ng convincing fake images, videos at audio recordings.
Pinag-iingat ng arsobispo ang mamamayan laban sa mapanamantalang organisasyon at indibidwal na ginagamit ang kanyang pangalan at maging ang iba pang opisyal ng simbahan upang makapanloko sa kapwa.
Bukod kay Cardinal Tagle kamakailan ay natuklasan din ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan ang tatlong fake FB accounts na nakapangalan kay Bishop Broderick Pabillo na ginagamit din sa fradaulent activities gayundin kay Cebu Archbishop Jose Palma.
Patuloy na pinaalalahanan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na maging alerto at maingat sa pakikipag-ugnayan online lalo na kung gamit ang pangalan ng mga cardinal, arsobispo, obispo, pari at maging mga institusyon ng simbahan dahil laganap online ang fake accounts.
Sa pag-aaral ng DataReportal nitong 2024 nasa 86.98 million ang internet users sa Pilipinas kung saan nangunguna ang Facebook sa pinakaginagamit na social media platform sa 86.75 million users.