10,632 total views
Itinuturing ng Alyansa Tigil Mina (ATM) bilang tagumpay ng katarungan ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa mga krimen laban sa sangkatauhan.
Ayon kay ATM National Coordinator Jaybee Garganera, bagamat hindi na maibabalik ang libo-libong buhay na nawala, ang pag-aresto kay Duterte ay mahalagang hakbang tungo sa paghilom at paghahanap ng katarungan ng mga naulilang pamilya.
“It may have taken several years for justice to be served, but we finally have that today. The tens of thousands who have been killed during Duterte’s presidency may not be brought back to life, but the arrest is a step towards the healing and the quest for justice of the victims’ families,” pahayag ni Garganera.
Bukod sa mga biktima ng madugong kampanya kontra droga, binigyang-diin din ni Garganera ang mga kaso ng pagpaslang at pag-atake sa mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“For defending their lands and fighting for food, water and health, many were red-tagged and doomed to suffer,” pahayag ni Garganera.
Iginiit ni Garganera na hindi tulad ni Duterte, na binibigyan ngayon ng due process, libu-libo ang pinagkaitan ng katulad na karapatan at basta na lamang pinatay nang walang pananagutan.
Panawagan ng ATM sa International Criminal Court (ICC) at sa pamahalaan ng Pilipinas na papanagutin at litisin ang lahat ng may kinalaman sa malupit na panunupil sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte.
Noong Marso 11, 2025, pasado alas-9 ng umaga, inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport ng mga opisyal ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) Manila, National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) matapos ihain ang warrant of arrest mula sa ICC para sa kasong crime against humanity.
Batay sa tala ng PNP, mahigit-6,000 Pilipino ang napaslang sa ‘giyera kontra droga, ngunit ayon sa mga human rights group sa Pilipinas, higit 30,000 katao ang tunay na bilang ng mga napaslang, mula sa mga mahihirap na tagalungsod kabilang ang mga inosenteng bata.
Una nang binigyang-diin ng Conference of Major Superiors in the Philippines-Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission na ang tunay na kapayapaan ay makakamit lamang kung kikilalanin ang mga maling nagawa sa nakaraan at pananagutin ang mga may kasalanan.