1,868 total views
Nanawagan ng pagkakaisa, bukas na dayalogo, at agarang pagtutulungan ang Obispo ng Diyosesis ng Virac sa Catanduanes bilang tugon sa patuloy na mga hamong kinakaharap ng lalawigan, lalo na sa usapin ng rehabilitasyon matapos ang sunod-sunod na mapaminsalang bagyo.
Sa kanyang mensahe ngayong Pasko, hinimok ni Virac Bishop Luisito Occiano ang mga pinuno at stakeholder ng lalawigan na piliin ang pagkakaisa kaysa pagkakahati, at kapayapaan kaysa alitan, kasabay ng paalala na ang Pasko ay panahon ng pagdating ng Diyos bilang Prinsipe ng Kapayapaan.
Ayon sa obispo, matagal nang pasan ng Catanduanes ang bigat ng mga kalamidad, mabagal na pagbangon, at araw-araw na paghihirap ng mga mamamayan. Binigyang-diin niya na ang bawat hindi nalulutas na sigalot at naantalang desisyon ay may direktang epekto sa mga pamilyang naghahangad lamang ng tulong, katatagan, at pag-asa.
“As we journey through this Christmas season—a time when God comes among us as the Prince of Peace—we humbly appeal to all leaders and stakeholders in Catanduanes to choose unity over division and peace over conflict. This is not the time for discord or prolonged disagreement,” bahagi ng mensahe ni Bishop Occiano.
Tinukoy rin ng obispo ang usapin ng paglalabas ng Quick Response Funds (QRF) para sa mga biktima ng bagyo bilang isa lamang sa maraming mahahalagang isyung nangangailangan ng kooperasyon ng lahat. Aniya, marami pang mga proyekto at pagkakataon sa hinaharap ang mangangailangan ng sama-samang pagkilos at bukas na pag-uusap.
Dahil dito, nanawagan si Bishop Occiano sa lahat ng kinauukulan na isantabi ang personal at pulitikal na pagkakaiba, makipagdayalogo nang may paggalang at katapatan, at kumilos nang may agarang malasakit para sa kabutihang panlahat—lalo na para sa mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan.
“The issue on the release of the Quick Response Funds intended for typhoon victims is only one concern, but more opportunities and projects in the future will require cooperation,” dagdag ng obispo.
Ipinaliwanag din ni Bishop Occiano na ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugang pagkakapare-pareho, at ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng ingay o sigalot. Sa halip, aniya, ito ay bunga ng pakikinig, paggalang, at pagpaprayoridad sa kapakanan ng mamamayan.
Giit ng obispo, ang pampublikong paglilingkod ay isang banal na pananagutan kung saan dapat mangibabaw ang pangangalaga sa buhay, paggalang sa dignidad ng tao, at pagtataguyod ng pagkakaisa.
“Unity does not mean uniformity, and peace does not mean silence. Rather, both are born when leaders listen to one another and place the welfare of the people above all else. The people of Catanduanes deserve leadership that heals rather than divides,” ayon pa kay Bishop Occiano.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, ipinanalangin ng obispo na nawa’y palambutin ng panahon ng Pasko ang mga puso, linawin ang mga hangarin, at gawing kasangkapan ng kapayapaan ang bawat isa para sa ikabubuti ng lalawigan at ng sambayanan.




