519 total views
Nagpahayag ng kagalakan ang dating kinatawan ng Pilipinas sa Vatican sa pagtalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco kay Archbishop Charles John Brown bilang bagong Apostolic Nuncio ng Pilipinas.
Ayon kay former Ambassador to the Holy See Henrietta T. De Villa, isang napakagandang balita ang pagkakaroon ng bagong kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa mula sa krisis na dulot ng Coronavirus Disease 2019 pandemic.
Nagpaabot naman ng pagkilala at papuri si De Villa sa kasipagan at dedikasyon ng mga opisyal na bumubuo sa Apostolic Nunciature in the Philippines na patuloy na ginampanan ang kanilang tungkulin sa kabila ng kawalan ng Apostolic Nuncio ng Pilipinas mula noong Disyembre ng nakalipas na taon.
“Very happy ako, very happy ako kasi you know iba rin kahit na napaka-efficient ng Nunciature whether there’s a Nuncio or not… tumutuloy tuloy naman ang trabaho nila kahit may Nuncio o wala kaya nakikita natin kahit na wala pa yung Nuncio may mga Obispo ng napangalanan sa iba’t ibang lugar….” pahayag ni de Villa sa panayam sa Radio Veritas.
Nagpahayag naman ng pananabik si De Villa sa posibilidad ng pagkakaroon na ng bagong Arsobispo ng Maynila kasunod ng pagkakaroon ng bagong kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas.
“Pero of course Manila being Manila laging ang feeling natin kailangan may Nuncio bago i-aannounce yung Maynila kaya tuwang tuwa ako may Nuncio tayo at saka following that I’m hoping and I’m sure will be the announcement for the new Archbishop of Manila…” Dagdag pa ni De Villa.
Hahali si Archbishop Brown kay Former Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia na itinalaga naman ni Pope Francis bilang Permanent Observer ng Vatican sa United Nations.
Ika – 28 ng Setyembre kasabay ng kapistahan ng kauna-unahang santong Filipino na si San Lorenzo Ruiz ay pormal na inanunsyo ng Vatican ang pagkakatalaga ni Archbishop Brown na kasalukuyang nuncio ng Albania.
Sa pagkakatalaga ni Archbishop Brown sa Nunciature limang lugar na lamang sa Pilipinas ang nanatiling sede vacante na kinabibilangan ng Arkidiyosesis ng Maynila, Diyosesis ng Malaybalay at Alaminos at ang Apostolic Vicariate ng San Jose Mindoro at Taytay sa Palawan.