2,159 total views
Patuloy na malaking hamon sa bansa ang pagkalat ng fake news o disinformation, lalo na sa panahon kung kailan social media na ang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon ng maraming Pilipino.
Batay sa survey ng Pulse Asia, nasa 72 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing malaking problema ang fake news. Gayunman, lumalabas din sa parehong pag-aaral na 44 porsyento ang madaling maniwala sa mga balitang nakikita nila sa internet.
Sa Pilipinas, malaking bahagi ng online activity ay nasa mga platform tulad ng Facebook, kung saan mabilis kumalat ang impormasyon—totoo man o hindi.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas kay UP Journalism Prof. Danilo Arao, ipinapakita ng pag-aaral ang malaking agwat sa pagitan ng pagkilala sa problema at kakayahan ng publiko na matukoy kung alin ang totoo at alin ang mapanlinlang na impormasyon.
Isa sa mga dahilan, ayon pa kay Arao kung bakit madaling kumalat ang disinformation ay ang tinatawag na confirmation bias, kung saan mas madaling paniwalaan ng isang tao ang impormasyong tugma sa kanyang sariling paniniwala kahit kulang ito sa ebidensya.
“Medyo delikado po ito kasi sa komunikasyon may tinatawag tayong tendensya na confirmation bias, sa parang ang tinataniwalaan mo yung mga bagay na magva-validate sa iyong paniniwala. Nawawala yung pagiging open-minded o pagiging critical na hinahanap dapat natin yung katotohanan batay sa ebidensya,” ayon pa kay Arao.
Dagdag pa rito, may mga sistematikong paraan ng pagpapalaganap ng maling impormasyon, kabilang ang paggawa ng content na gumagamit ng takot at emosyon upang makahikayat ng mas maraming manonood at kumita mula sa atensyon ng publiko.
“Ganito katinde yung disinformation, kaya kahit na ikaw ay well-educated, napapaniwala ka pa rin. Kasi meron talagang conscious effort na magpalaganap ng kasinungalingan at may kumikita mula sa pagpapalaganap na ito. Para lamang sa content, may ilagay ka lang na content, kikita ka.”pahayag ni Arao
Hakbang laban sa fake news
Ayon kay Arao, mahalaga ang pagpapalakas ng media literacy, fact-checking, at responsableng paggamit ng impormasyon. Kabilang dito ang tinatawag na multi-sourcing o paghahanap ng impormasyon mula sa iba’t ibang mapagkakatiwalaang sanggunian bago maniwala o magbahagi ng isang balita.
Aniya, kung may impormasyon mula sa social media, dapat itong beripikahin sa mga opisyal na ahensya ng pamahalaan, lehitimong media organization, at iba pang primary sources.
“Kumbaga naloloko tayo, nabubuyo tayo every now and then, pero nandyan din naman yung conscious effort para labanan yung disinformation through media literacy, media education. Tapos nandyan din naman yung effort din ng iba’t ibang mga media organizations at saka mga universidad na labanan through fact-checking,” ayon kay Arao.
Binibigyang-diin din ang kahalagahan ng responsableng gatekeeping sa media at social media platforms—ang pagsusuri kung alin ang mapagkakatiwalaang impormasyon at alin ang dapat limitahan dahil naglalaman ng maling datos.
Paglilinaw ni Arao, ito ay hindi censorship, kundi bahagi ng responsableng pamamahala ng impormasyon upang maprotektahan ang publiko laban sa panlilinlang.
“Kung tayo ay critical mass of audiences, we can form our own opinion based on, or we can form our own analysis based on the various data and various stances na nakuha natin.”dagdag ni Arao






