804 total views
Kinokondena ng Diocese ng Baguio ang isinasagawang road widening project ng Department of Public Works and Highways sa lungsod ng Baguio.
Ito’y dahil sa pagputol sa humigit-kumulang 30-puno para bigyang daan ang pagpapalawak sa mga kalsada na dulot na rin nang pagsisikip ng mga lansangan.
Ayon kay Fr. Mario Tambic, director ng Commission on Environment ng Diyosesis na hindi inaasahan ang pagpuputol ng mga puno dahil hindi man lamang humingi ng pahintulot ang DPWH maging ang lokal na pamahalaan sa mga residente ng lungsod.
“The other road widenings which involve cutting of trees are unexpected because we were not informed/consulted as people of the city,” bahagi ng pahayag ni Fr. Tambic sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng pari na natigil naman ang binabalak ng DPWH na pagputol sa mga puno malapit sa Baguio Cathedral na nagsisilbing tahanan ng Obispo, dahil sa pakiusap ni Baguio Bishop Victor Bendico sa mga kinauukulan.
“The supposedly plan of DPWH to cut trees near the Bishop’s Res[idence] was stopped due to our Bishop’s negotiations with the concern offices,” ayon kay Fr. Tambic.
Sa pahayag ng DPWH-Baguio District Engineering Office, pinahintulutan sila ng pamahalaang lungsod na putulin ang mga puno kabilang na ang ilang pine trees sa apat na lugar na sakop ang dalawang malaking kalsada.
Kinwestiyon naman ni Fr. Tambic ang mga prayoridad ng pamahalaan na sa halip na pagtuunan ng pansin ang paglutas sa pandemya, ay inuuna pa ang mga proyektong nakasisira ng kalikasan.
“And to think that we are in this pandemic is really an issue to ask, ‘ano ba ang prayoridad ng gobyerno natin?’,” ayon sa pari.
Noong 2019, sinimulan ni Baguio Mayor Benjamin Magalong ang Baguio Redevelopment Plan, kabilang ang pangangalaga sa natitirang 2.5 milyong puno ng lungsod batay sa pagtataya ng DENR.
Ipinanukala rin ng alkalde ang one-year moratorium sa pagpuputol ng puno at pagsasagawa ng konstruksyon, at ang kautusan na paparusahan ang sinumang pipinsala sa pine trees sa lungsod.