7,990 total views
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-22 ng Agosto 2024
Halina't magpahingalay hindi lamang upang mapawi pagod at hirap kungdi sarili ay mabawi sa kawalang kabuluhan at mga kaguluhan, pagkawindang mapigilan kaayusan ng buhay ay mabalikan; limang tanong sana makatulong upang landas ng makatuturang buhay ating masundan:
"Nasaan ka?" Kay gandang balikan nang ang Diyos ay unang mangusap sa tao, ito ang kanyang tanong sa lalaking nagkasala at nagtago, "nasaan ka?" Nang maganap unang krimen, Diyos ay nagtanong din kay Cain, "nasaan kapatid mong si Abel?" "Nasaan" lagi nating tanong lalo na't sarili ang nawawala tumutukoy di lamang sa lunan kungdi sa kalagayan at katayuan ng sarili madalas ay sablay at mabuway; magpahingalay upang tumatag at maging matiwasay.
Susunod na dalawang tanong ay magkadugtong: "Saan ka pupunta?" at "Paano ka makakarating doon?" Walang mararating at kahihinatnan sino mang hindi alam kanyang pupuntahan maski na moon na tinitingala hindi matingnan, magroadtrip broom broom man lamang! Muling mangarap libre at masarap higit sa lahat magkaroon ng layon na inaasam-asam!
Nasaan ka? Saan ka pupunta? Paano ka makakarating doon? Ang mga unang tatlong tanong sa ating pamamahingalay nitong paglalakbay ng buhay; ika-apat na tanong naman dapat nating pagnilayan ay "Ano aking dadalhin sa paglalakbay?" Marahil pinakamahalagang dalhin ang ating sarili hindi mga gamit o kasangkapan dahil kaalinsabay ng mga dalahin ay ating mga iiwanan din; huwag nang magkalat ng gamit bagkus iwanan ay bakas ng mabuting katauhan pagmamalasakit sa iba pang naglalakbay sa landas nitong buhay!
Ngayo'y dumako tayo sa huling tanong nitong pagpapahingalay upang mabawi ating sarii di lamang pagod ay mapawi: "Sino iyong kasama sa paglalakbay sa buhay?" Ito marahil pinakamahirap sagutin maski harapin dahil problema natin hindi naman mga nabigong pangarap at adhikain kungdi nasira at nawasak nating mga ugnayan bilang pamilya at magkakaibigan; may kasabihan mga African, kung ibig mong maglakbay ng mabilis, lumakad kang mag-isa ngunit kung ibig mong malayo marating, magsama ka ng kasabay sa paglalakbay.
Dito ating makikita diwa at buod ng tunay na pagpapahingalay o pagpapahinga: mula sa salitang "hinga" ang magpahinga ay mahingahan ng iba, mapuno ng iba; mauubos tayo parang upos sa dami ng ibig nating maabot at marating, huwag mag-atubiling tumigil, mamahinga, magpahingalay sa Panginoong Diyos na Siya nating buhay at kaganapan na tiyak din nating hahantungan sa walang hanggang pahingalay. Hayaang Siya sa ating umalalay at pumuno ng hininga ng buhay!