12,471 total views
Inihayag ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara na ang kabanalan ay matatamasa ng bawat binyagang kristiyano.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagbukas ng Diocesan Phase ng Cause of Beatification and Canonization ni Servant of God Laureana ‘Ka Luring’ Franco nitong August 21 na ginanap sa Minor Basilica and Archdiocesan Shrine Parish sa Taguig City.
Ayon kay Bishop Vergara hindi lamang nakatuon sa mga obispo, pari, madre at relihiyoso ang pagiging banal kundi ito ay para sa lahat ng binyagang sumusunod kay Hesukristo.
“Ang kabanalan ay bokasyon ng lahat bilang mga binyagan. Ang kabanalan ay kaloob ng Diyos dahil siya ay banal, ito ay para sa lahat anuman ang estado sa buhay,” mensahe ni Bishop Vergara.
Ibinahagi ng obispo ang mga personal na karanasan sa kanilang pagtatagpo ni Ka Luring noong naglilingkod ito bilang seminary formator kung saan nakikita nito ang pagiging masigasig ni Ka Luring sa kanyang paglilingkod sa simbahan at patuloy na panalangin para sa mga pari gayundin ang paghimok sa mga kabataang piliin ang bokasyon ng pagpapari.
Sinabi ni Bishop Vergara na naging banal si Ka Luring dahil sa pagiging tapat sa kanyang tungkulin bilang binyagan lalo na ang pagiging katekista na naghuhubog sa kabataan na malaking tulong para sa paglago ng pananampalataya ng mamamayan.
“Nakikita ko kay Ka Luring ang kababaang loob, kasipagan sa paglilingkod bilang katekista at pagsasabuhay sa karukhaan na puspos ng pagtitiwala sa Diyos. Di lang kami pinagtagpo ng tadhana kundi pinagtagpo ng Diyos para lalong tahakin ang daan ng kabanalan,” ani Bishop Vergara.
Binuksan ang inquiry sa pamamagitan ng pagbasa sa Supplex Libellus ni Dr Erickson Javier, Doctor of Ministry, na magsisilbing ‘Postulator’ sa proseso ng pagiging banal ng layko at katekista.
Inaprubahan ni Bishop Vergara ang kahilingan ni Javier kasabay ng pagtalaga ng mga kasapi ng ‘tribunal’ na mag-imbestiga at sisiyasat sa mga milagrong maaring maiuugnay kay Ka Luring na pag-aaralan ng Vatican.
Kabilang sa mga itinalaga sa tribunal sina Fr. Daniel Estacio bilang Episcopal Delegate, Fr. Elpidio Geneta, JCL, Promoter of Justice, Fr. Joeffrey Brian Catuiran, JCL, Notary, at Fr. Rodifel De Leon, Assistant Notary.
Hiling ni Bishop Vergara sa mananampalataya na ipanalangin ang proseso gayundin ang tulong panalangin ni Ka Luring sa Diyos.
Samantala ipinaliwanag naman ni Laoag Bishop Renato Mayugba ang namununo sa CBCP Office for the Postulation of the Causes of Saints na kung matatapos ang proseso ng Diocese of Pasig sa buhay ni Ka Luring ay isusumite ito sa Roma para sa panibagong proseso subalit wala itong itinakdang timeline dahil mabusisi itong pag-aralan lalo na ang mga milagrong maiuugnay kay Ka Luring para sa kanyang beatification at canonization.
Sinabi ng opisyal na ipinapaalala lamang ng mga natatanging Pilipinong kinilala sa kabanalan na palalimin ang pakikipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng mga panalangin at pagmamahal sa Banal na Eukaristiya na mga katangiang ipinamalas ni Ka Luring. Kinilala ang heroic virtues ni Ka Luring na ‘humble, obedient, charitable, friendly, compassionate, thoughtful, forgiving, prayerful, punctual, emphatic at simple.’
Si Ka Luring ay naging volunteer switchboard operator at clerk ng Philippine Airforce at kabilang sa kanyang misyon at apostolado ang pagiging katekistang nagtuturo sa mga kabataan sa pampublikong paaralan, mga batang palaboy sa lansangan at sa mga mahihirap.
Siya rin ay naging Vocation Promoter, kasapi ng Apostleship of Prayer, Legion of Mary at kauna-unahang babaeng itinalagang Extra-ordinary minister of the Holy Communion ng Archdiocese of Manila.
Ginawaran din ito ng Pro Ecclesia et Pontifice noong 1990, Missio Canonica gayundin ang Forward Taguig Award at Mother Teresa Award dahil sa natatanging ambag nito sa pamayanan at pananampalatayang kristiyano.
Pumanaw si Ka Luring noong October 17, 2011 at inihatid sa huling hantungan noong October 22 sa St. Michael Catholic Cemetery sa Taguig City kung saan pinangunahan ni Bishop Vergara ang requiem mass.