1,873 total views
Tiniyak ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang pagsasabuhay sa synodality o pakikilakbay sa kawan ng Panginoon.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa St. Kim Dae Gun Korean Catholic Church sa Taguig City nitong September 17 bilang bahagi sa paghahanda ng kapistahan ng patron.
Ayon kay Bishop Vergara na kasalukuyang Vice President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine, mahalagang gabayan ang bawat sektor ng lipunan bagamat magkakaiba ang lahi at tradisyong kinagisnan.
“Dito mahalaga ang synodality, yung makinig ka rin sa pangangailangan ng ibat ibang sektor; mas appreciative sila na mayroon talagang paring Koreano.” pahayag ni Bishop Vergara sa Radio Veritas.
Ayon kay Bishop Vergara may ugnayan ang Diocese of Pasig sa Diocese of Jeonju sa Korea kung saan nagmula si Fr. Hyun suk Song ang kasalukuyang kura paroko sa Korean Personal Parish.
Ikinagalak ni Bishop Vergara ang ipinakikitang suporta ng Korean community sa diyosesis lalo na sa mga gawaing simbahan.
Batid ni Bishop Vergara ang hamon lalo na sa lengwahe subalit naglaan ito ng panahon upang aralin ang Korean language na kanyang ginamit sa banal na pagdiriwang upang higit na maunawaan ng Korean catholics na dumalo sa misa.
Sa isang mensahe ni Fr. Song pinasalamatan nito sa Bishop Vergara na buong pusong sumuporta sa kanilang parokya lalo’t bihira itong nadadalaw ng obispo ng Jeonju.
“Nagpapasalamat kami kay Bishop Mylo na naggugol ng oras para pag-aralan ang Korean mass, dahil dito ramdam namin ang pagmamahal ninyo para sa Korean Catholic Community dito sa Pilipinas, sa pagdalawa ninyo nararamdaman namin ang pagmamalasakit ni Hesus.” pahayag ni Fr. Song.
Ipagdiriwang ng parokya ang kapistahan ni St. Kim Dae Gun sa September 20.
Si St. Andrew Kim Dae Gun ay bininyagan sa kristiyanong pananampalataya noong 1836 sa edad na 15 taong gulang, pumasok sa seminaryo sa Portugues colony sa Macau, nanirahan sa Lolomboy Bocaue Bulacan kung saan tinapos ang teolohiya at 1845 nang maordinahang kauna-unahang paring Koreano.
September 16, 1846 nang pugutan ng ulo ang santo dahil sa paninindigan sa kanyang pananampalataya at ganap na naging santo noong 1984 kasama ang mahigit 100 Koreano martir sa canonization rite na pinangunahan ni noo’y santo papa St. John Paul II.