2,238 total views
Umaasa ang pamunuan ng Diocesan Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Muntinlupa City na magdudulot ng mas malalim na pananampalataya ang pagkilala ng Vatican sa patron ng lungsod.
Ayon kay shrine rector at parish priest Fr. Jonathan Cadiz, isang karangalan at biyaya ang paggawad ng canonical coronation sa Nuestra Senora Desamparados na makatutulong sa pagpapa-igting sa ugnayan ng tao sa Panginoon.
Sinabi ng pari na patuloy na kinakalinga ng Mahal na Birhen ang bawat isa lalo na ang nalulumbay at nawawalang pag-asa.
“This event invites us to deepen all the more our love and devotion to Mary and Jesus; always be a source of comfort and hope,” pahayag ni Fr. Cadiz sa Radio Veritas.
Bukod sa canonical coronation ay opisyal ding ideneklara ang dambana na may spiritual affinity bond sa Santa Maria Maggiore ang Papal Basilica sa Roma.
Sa ritong pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown binigyang diin ng kinatawan ni Pope Francis na tulad ng pananatili ni Maria sa paanan ng krus ni Hesus ay palagi rin nitong kinakalinga ang mga inaabandona.
“When everyone abandoned us, Mary is with us, she is there to protect and care for us,” saad ni Archbishop Brown.
Hamon naman ni Paranaque Bishop Jesse Mercado sa mananampalataya na higit pang palawakin ang pagmimisyon at ibahagi ang mabuting balita sa pamayanan.
Batid ng obispo na sa tulong ng Our Lady of the Abandoned ay mas mapaigting ang paglingap sa nangangailangan at maipadama ang makainang pagkalinga ng Mahal na Birhen.